PINANGUNAHAN ng opisina ni Senator Christopher “Bong” Go ang pamamahagi ng tulong sa mga biktima ng sunog sa bayan ng Boston at Cateel, Davao Oriental kamakailan na bahagi ng kanyang pangako na tumulong sa mga apektado ng komunidad ng mga sakuna para muling maitayo ang kanilang mga bahay at kabuhayan.
Isinagawa ang aktibidad sa Cateel municipal covered court sa pakikipagtulungan ng National Housing Authority (NHA) na kung saan ang grupo ni Go ay namahagi ng mga pagkain, bitamina at face mask sa 70 pamilya na biktima ng sunog at pamimigay rin sa piling recipients ng mga sapatos,cellular phones, at bola ng basketball at volleyball.
“Mahirap po ang mawalan ng tirahan, halos araw-araw akong umiikot sa buong Pilipinas para puntahan ang ating mga kababayan na nasunugan, nabagyuhan, baha, lindol, pagputok ng bulkan, o anumang sakuna at magbigay ng tulong,” wika ni Go sa video message.
“Isinulong din natin na mabigyan sila ng National Housing Authority ng ayuda pambili ng housing materials tulad ng pako, yero at iba pa upang maisaayos muli ang kanilang mga tirahan,” binigyan diin ni Go
Samantala, binigyan din ni Go ng linaw ang akda niyang Republic Act No. 11589, na kilala bilang Bureau of Fire Protection Modernization Act of 2021 na nagbibigay ng kapasidad sa BFP sa pamamagitan ng ten-year modernization program kabilang ang recruitment ng maraming bumbero, pagkuha ng bagong kagamitan sa pagpatay sa sunog at specialized training.