UMAAPELA sa publiko si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na huwag mag-atubiling tulungan at damayan ang kababayan nating nabiktima ng malakas na pag-ulan at malawakang pagbaha sa Metro Manila at ilang kalapit na lalawigan, simula pa nitong Sabado.
Inatasan din naman ng Cardinal ang lahat ng parokya sa Archdiocese of Manila na buksan ang mga simbahan sa kanilang lugar at tulungan ang mga residenteng apektado ng mga pagbaha.
Hinikayat pa ni Tagle ang mga lumikas na residente na pumunta sa mga parokya, Diocesan Caritas, Social Action Centers at barangay centers na nakahandang tumulong at kumalinga sa kanila.
Tiniyak din niya sa mga apektado ng baha at pag-ulan na kasama sila sa mga panalangin at mga misa nitong Linggo, upang mailigtas sa kapahamakan.
“Una po sa lahat para sa mga naapektuhan ng ulan, ng baha, kayo po ay kasama sa ating mga panalangin ngayong araw ng Linggo, mula pa ho kahapon, kagabi. Ang mga misa at ang mga panalangin ay may kasama na pakiusap sa Panginoon na alagaan ang mga apektado ng masamang panahon,” ani Tagle, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
“Inaanyayahan po ang lahat na patuloy na manalangin para po sa ating mga kapatid na napipinsala at lumapit po sa parokya o kaya po sa mga Diocesan Caritas at Social Action Centers kung kayo po ay nangangailangan ng tulong. At para po naman sa mga handang tumulong at tayo po ay tinatawagan na sa iba’t ibang pamamaraan ay maging handa na tumulong ay maki-contact po sa parokya, sa barangay, sa Caritas at sa mga iba’t ibang Social Action Centers,” aniya pa.
Pinaalalahanan naman ng Cardinal ang lahat na bahagi ng ating pagsunod kay Hesukristo ay pagtulong sa kapwa at pangangalaga sa kalikasan, dahil ang pagkasira ng kalikasan ay pagkasira rin ng ating buhay. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.