MGA BOTANTENG MAY DOBLENG REHISTRO, POSIBLENG KASUHAN NG COMELEC

HINDI  makalulusot sa kasong kriminal ang mga botante na napatunayang sinadya na madoble o higit pa ang pagpaparehistro nila sa Commission on Elections (Comelec).

Ayon kay Commissioner George Erwin Garcia, umabot sa 892,627 ang lahat ng botante na nakitang dalawa o higit pa ang rehistro sa magkakaibang lugar.

Sinabi ng opisyal na maaaring hindi sinasadya ng ilang botante ang magparehistro sa magkakaibang lugar lalo na kung matagal na hindi nakaboto at lumipat ng tirahan.

Gayunman, magpapatuloy pa rin ang kanilang pagsisiyasat at pananagutin sa paglabag sa batas.

Nilinaw naman ni Garcia na pananatilihin nila ang orihinal na rehistro ng botante para masigurong hindi sila ma-disenfranchise o malabag ang karapatang bumoto sa eleksiyon.

Sakaling mapatunayang lumabag ay mahaharap ito sa isa hanggang anim na taong pagkakakulong.

Samantala, mahigit sa 755,000 pumanaw na botante ang inalis na sa listahan ng May 2022 election voters list.

Ayon kay Garcia, kabuuang 755,769 pangalan sa registration records ang kinansela na dahil sa pagkamatay ng mga ito.

Nasabihan na rin aniya ang mga kaanak ng pumanaw na isumite ang death certificate sa local Comelec offices kahit wala pang sertipikasyon ng civil registrar.

“Ang sabi ko nga po, ang problema ‘pag namatay, ‘pag namatay doon sa ibang lugar maliban doon sa kung saan talaga sila nakatira. Dapat kasi ang mag-i-issue ng certification ay ‘yung civil registrar kung saan nakatira ‘yung matanda o ‘yung namatay,” ayon kay Garcia.

“Nakipag-usap kami sa atin pong Census and Statistics Office na nationally magsa-submit sila sa main office ng Comelec ng lahat ng namatay nationwide para kami naman po ang magbibigay ng mga pangalan na ‘yan sa aming local Comelec para maiwasan na sabihin na hindi matanggal dahil nga walang certification,” dagdag nito.

Gayunman, ipinaliwanag ni Garcia na ang mga botanteng namatay sa ibang lugar dahil sa COVID-19 ay maaaring nasa listahan pa ang kanilang pangalan.

“Yung mga nagka-COVID tapos nadala sa ibang lugar, doon nagamot, tapos doon po namatay, posible talaga na maaaring hindi po sila natanggal kasi nga po maghihintay yung local Comelec, base sa batas, ng certification mula sa civil registrar kung saan namatay ‘yung nagka-COVID,” pahayag nito.

“Pero, at the same time, kung yung mismong pamilya naman ang nagbigay ng certification mula sa civil registrar na namatay talaga ‘yung kanilang kaanak, sure po na tatanggalin ‘yun ng local Comelec natin. Hindi na maghihintay ng certification mula sa civil registrar kasi nagbigay na ng death certificate ‘yung pamilya,” paliwanag ni Garcia.

Binanggit din ng opisyal na mayroong 1,490,678 registration records ng mga lumipat ng ibang lungsod o munisipalidad ang tinanggal na sa listahan.

Aabot naman sa kabuuang 7,229,493 indibdiwal ang na-deactivate na ang rehistro matapos na mabigong makaboto ng dalawang magkasunod na eleksiyon. Jeff Gallos