SA pagbisita sa lalawigan ng Bulacan kahapon, nagpasalamat si Sen. Grace Poe sa mga mamamayan na tumatangkilik sa kandidatura niya kahit tumatakbo siyang independiyente at walang partido.
“Alam po ninyo ako’y nagpapasalamat at nag-e-enjoy na, kasi ang tagal din naming nagtrabaho. Ngayon, kasama ko ang mga kaibigan natin sa Senado na tumutulong, kasi wala akong partido kaya sa ating mga kababayan na tumanggap sa amin, maraming maraming salamat po,” sabi ni Poe sabay pasalamat kina Sen. Win Gatchalian at Sen. Joel Villanueva na tubong Bocaue, Bulacan.
Hinggil sa laging pangunguna sa iba’t ibang survey, idiniin ni Poe na nag-iikot lang siya at patuloy sa pangangampanya sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Hindi naman palagi (akong nangunguna), pero hindi ko nga alam. Basta umiikot lang kami at nagtatrabaho, at saka sa tulong ng mga kaibigan, mayors, sa iba’t ibang lugar,” ayon sa senadora na galing sa Pangasinan kamakalawa. “Alam ninyo, kahit na anong survey, may mga iba talaga na magdududa ka pero hayaan mo na, kasi para sa akin, ang pinakaimportanteng survey ay ‘yung araw ng halalan. Bigyan natin ng resulta, tatlong araw na lang. Pero okay naman, nangunguna ang mga babae.”
Nangako rin si Poe na ipagpapatuloy ang paglilingkod lalo sa senior citizens at mga magsasaka at gusto rin niyang maipasa na ang Freedom of Information na makalulutas sa katiwalian sa pamahalaan.
“Marami (po akong plataporma), pero para sa akin, importante pa rin na magkaroon tayo ng suporta lalong-lalo na sa mahihirap, ang mga senior citizen natin na kailangan ng pensiyon, mayroon nang pondo riyan; pero marami pa, mga magsasaka. Pero sa tingin ko, ang pinakaimportante, magkaroon pa rin ng malinis na gobyerno, kaya ‘yung Freedom of Information, dapat ipasa,” diin ni Poe.
Comments are closed.