(Mga bully at mananakit sa frontliners dadakipin) INTEL IKINALAT PARA PROTEKSIYONAN ANG HEALTH WORKERS

Camilo Pancratius Cascolan

CAMP CRAME-DALAWANG uri ng security personnel mula sa Philippine National Police (PNP) ang nakakalat lalo na sa mga health facility para tiyakin ang proteksyon ng mga frontliner lalo na ang mga health worker.

Ayon kay Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, PNP Deputy Chief for Administration at miyembro ng National Incident Committee (NIC), dalawang uri ng security ang kanilang inilatag para matiyak na maiiwasan ang diskriminasyon at pananakit sa mga health worker at iba pang uri ng frontliner.

Ito aniya ang ang covert and overt security para sa mga frontliner lalo na sa health workers.

Aniya, sa mga lugar na pinapasukan at tinitirhan ng mga health worker ay naglagay sila ng covert security personnel.

Ang covert security aniya ay naka-sibilyan at hindi hayag na pulis at ang tanging gagawin nito ay bantayan ang mga health worker at kapag may nanakit at nam-bully ay reresponde ito.

Habang ang overt security personnel ay mga unipormado na gaya ng covert security ay naka-deploy din sa mga health facility.

Ang covert security ay palihim na magbabantay sa health worker habang ang overt security ay pampalakas naman ng police visibility.

Bukod sa pagbabantay sa mga health facility, patuloy rin ang mobile at foot patrol ng pulisya para sa mabilis na responde sa mga aatake sa health worker.

Ginawa ng PNP ang hakbang kasunod ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat proteksyonan ang mga health worker na ngayon ang iba dumaranas ng diskriminasyon at pambu-bully. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.