MGA BUMIBILI NG MURANG BIGAS SA KADIWA NILALAGYAN NG TANDA

SIMULA kahapon, Lunes, ay nilalagyan na ng palatandaan sa pamamagitan ng thumbmark ink ang mga bumibili ng murang bigas sa Kadiwa store.

Sa ADC Kadiwa Store, matapos maglista ng pangalan, pumirma sa booklet at magprisinta ng valid ID ay hinihingan na rin ng thumbmark ang mga mamimili.

Isa ito sa mga bagong requirement para maiwasan ang mga nagpapabalik-balik sa pila ng P29 kada kilong bigas at mas marami ang makabenepisyo sa programa.

Bahagi rin ito ng trial run bago ang opisyal na rollout ng Bigas 29 ngayong buwan.

Hati naman ang reaksiyon dito ng mga mamimili. Mayroong mga pabor dahil wala na anilang mananamantala sa bentahan ng murang bigas habang mayroon namang nagrereklamo dahil sa dumaraming requirements.

Sa kasalukuyan , tuloy ang pila ng seniors, PWDs, 4Ps at solo parents sa bentahan ng murang bigas sa Kadiwa kung saan limitado pa rin sa tatlong kilo ang maaaring bilhin.                                                    

PAULA ANTOLIN