MGA BUTO NG TAO BUMARA SA SEPTIC TANK

NATAGPUAN ng mga awtoridad ang mga buto ng tao matapos na bumara ito sa septic tank ng isang bahay sa Doña Aurora, Quezon City.

Sa report, bandang alas-8:30 kamakalawa ng umaga nang madiskubre ang buto ng tao sa septic tank sa No. 7 Serrano Laktaw St., Brgy. Doña Aurora, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni SSg Dhonnie B Peralta ng Quezon City Police District Criminal investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nagtatanggal ng bara sa septic tank si John Christoper Guda nang makakuha ito ng mga buto ng tao.

Sa takot ni Guda ay agad niyang inireport sa pulisya ang nadiskubre.

Sinabi naman ng QCPD -CIDU na kinukunan na rin nila ng pahayag ang mga nakatira sa nasabing bahay gayundin ang may-ari nito.

Isasailalim din sa DNA tests ang mga buto.

Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid ang pagkakakilanlan ng nakuhang buto at kung sino ang responsable na naglagay nito sa septic tank. EVELYN GARCIA