MGA DAGDAG BUWIS SA PANTALAN…NAKAKABUWIS-IT

KAPAG  pinag-uusapan ang inflation, marami sa ating mga kababayan lalo na ang mga kapos sa pinag-aralan ang hindi nakakaintindi rito. Pero kapag sinabi mong nagtaas ang presyo ng bilihin at serbisyo sa bansa, alam nila agad ito dahil ramdam nila ito sa kanilang bulsa.

Sabi ng Philippine Statistics Authority o PSA, tumaas ng 4.9 percent ang inflation rate noong Abril, pinakamataas sapul noong Enero 2019. Dulot ito ng patuloy na pagsipa sa presyo ng petrolyo bunsod ng patuloy na giyera ng Russia at Ukraine.

Marami ang humihiling na tanggalin na ang excise tax at Value Added Tax sa petrolyo pero ayaw itong gawin ng gobyerno dahil nga naman sa bilyon-bilyong pisong revenue ang mawawala sa kanila.

Kailangan kasi ito upang makatulong pondohan ang mga iba’t ibang proyekto at programa ng gobyerno upang maiusad ang ating ekonomiya. Subalit dapat ay konsiderahin din ng ibang mga ahensiya ng gobyerno kung dapat pa magbigay ng dagdag buwis sa mga ibang aspeto na nagpapahirap sa pangkalahatang kalakaran.

Dahil din sa sobrang taas ng presyo ng langis, apektado ang land at sea transportation lalo na ‘yung mga nagbibiyahe ng mga pangunahing produkto sa iba’t-ibang bahagi ng bansa. Napakalaking bahagi pa naman (95%) ng mga pangunahing pagkain at produkto ay binibiyahe sa bansa lulan ng malalaking cargo vessel sa karagatan sa tulong ng malalaking kompanya ng paglalayag.

Umaaray na ang malaking shipping group katulad ng Philippine Liner Shipping Association, Philippine Coastwise Shipping Association at Philippine Interisland Shipping Association sa laki ng gastos sa pagbibiyahe ng mga produkto.

Hiling nila sa incoming administration na tingnan mabuti ang buwis na hindi naman dapat ipinapataw sa kanilang paglalayag ng Philippine Port Authority (PPA), na nasa ilalim ng Department of Transportation (DOTr).

Noong kasagsagan ng pandemya, nagtaas bigla ang bayad sa paggamit ng mga pantalan ng Zamboanga at Tacloban, na sobrang nakaapekto sa operasyong pinansiyal ng mga shipping lines. Kinontra ito ng local chamber of commerce pero hindi sila pinakinggan.

Dahil dito, tumaas ang singil para sa mga general cargo at non-prime commodities mula 371% hanggang 406%. Ang buwis din sa pantalan para sa mga container ay nagdoble at tumaas ng 109%, habang ang prime goods ay 91%.

Sa pantalan ng Tacloban, nagtaas din ng singil ng hanggang 475% para sa general cargo at non-prime commodities, 119% para sa mga container at 200% para sa mga prime goods.

Nagtaas din ang mga Tier 3 na pantalan tulad ng Iligan, Ozamiz, Calapan, Ormoc, Puerto Princesa, Legazpi, Surigao, Nasipit, Pulupandan, Matnog, Tabaco, Fort San Pedro, Iloilo at maging sa Pasig River port.

Isa pang pinangangambahan ng mga shipping associations ay ang pagpapatupad ng bagong polisiya ng PPA na kung saan kailangan ikonekta ng mga shipping line ang kanilang system sa PPA para sa pagpapatupad ng Unified Electronic Ticketing System. Hindi raw sila nakonsulta rito bago ito ipinatupad.

Sabi ng grupo, kung nais ng bagong administrasyon na sumigla muli ang ekonomiya at tulungan ang mga Pilipino sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin, kailangan nilang tulungan din ang mga shipping lines para maibiyahe ang mga pangunahing produkto ng hindi sila sisingilin ng sobrang taas na buwis sa paggamit ng pantalan. Talaga naman…may mga dagdag buwis na nakakabuwis-it!