Panahon na naman ng mga major exam ngayong buwan ng Agosto. Kaliwa’t kanan na ang mga pagpapa-photocopy ng reviewers at pangongolekta ng mga hindi naisulat na notes. Halos araw-araw na ring maririnig ang mga paalala ng professors sa coverage ng exam at ang iskedyul na kung sinusuwerte ka nga naman ay magsasabay-sabay sa isang araw.
Sa mga ganitong pagkakataon ay automatic na mai-stress ka sa rami ng mga kakabisaduhin at sa rami ng aaralin. Sabayan pa ng mga ibang alalahanin sa ilang subjects. Tipong kaunti na lang ay iisipin mo nang babagsak ka.
Pero siyempre, dapat lumaban at ituloy ang pag-aaral para sa mga pangarap. Laban lang, ga-graduate din. Kaya naman karamihan sa atin ay may mga ginagawang ritwal o routine bago ang sumabak sa madugong exam. Iba’t ibang paraan para maitawid ang araw na hahatulan ka sa mga bagay na iyong natutunan.
TIPS BAGO ANG EXAM DAY
Sa rami ng iba’t iba nating pamamaraan para makapasa lang, at sa rami ng pinaniwalaan at sinubukan tuwing nagsusunog ng kilay, suwerte pa rin kapag nadalian sa exam. Kaya narito ang ilan sa mga bagay na dapat gawin bago ang nakatakdang exam:
IHANDA ANG SARILI SA PAG-AARAL
Una, ihanda ang sarili sa pag-aaral. Kailangan maikondisyon ang sarili sa pag-aaral mode nang sa gayon ay makuha ang tamang focus bago mag-review.
TAPUSIN ANG ILANG ALALAHANIN SA BAHAY NANG HINDI MAISTORBO
Pangalawa, tapusin ang mga ibang alalahanin sa bahay para hindi na maistorbo kapag nag-aaral na. Maghugas na ng pinggan, sundin ang utos ng mga magulang at kapag nagawa na ang lahat ng kailangang gawin sa bahay, saka magsabi na huwag munang aabalahin dahil kailangan mong mag-aaral dahil may exam kayo kinabukasan.
IPAHINGA ANG UTAK
Pangatlo, siguraduhing naka-relaks ang utak at handang-handa sa mga kahaharaping lessons at notes. Importante na nakapagpahinga ang utak bago magsimulang mag-aral nang hindi malimutan ang aaralin.
ILAYO ANG CELLPHONE
Pang apat, ilayo ang cellphone mula sa iyo. Mas mabuti kung ipatatago muna sa magulang o sa kapatid. Sabihan ang iyong text mate o chat mate na mag-aaral ka muna at hindi hahawak ng cellphone. Sa ganitong paraan, makatututok ka sa iyong pinag-aaralan at hindi mapupunta sa ibang bagay ang iyong atensiyon.
MAGHANDA NG PAGKAIN BAGO MAG-REVIEW
Panglima, maghanda ng mga pagkain bago ka mag-review. Sikat na sikat ang mani tuwing nagre-review dahil ito raw ay mabisang pampatalas ng memorya. May nagsabi pang kumain ng bubble gum habang nagre-review, gayundin kapag nag-e-exam para matandaan ang mga pinag-aralan. Alin man ang swak sa iyo, kainin mo ang gusto mong pagkain habang nag-aaral para mabawasan ang iyong stress.
ILATAG ANG MGA KAKAILANGANIN SA PAGRE-REVIEW
Pang anim, ilatag ang lahat ng mga kakailanganin sa pagre-review. Mga libro, notebooks, handouts, modules at kung ano-ano pa.
Saka mo na simulan ang pag-aaral. Tandaan ang mga detalye. Isapuso at isa isip ang mga binabasa. Kabisaduhin ang mga dapat kabisaduhin.
Huwag ding kalilimutang magpahinga paunti-unti para marelaks ang mata at utak. Hindi kailangang tuloy-tuloy ang paghihirap, bes!
At bago ka sumabak sa exam kinabukasan, magdasal. Humingi ng tulong sa Panginoon na bigyan ka ng talino at lakas sa araw na iyon.
Huwag ding kalilimutan na maging positive ang awra sa araw na iyon. Importanteng maging masaya kahit na nakai-stress na. Sa ganitong pamamaraan, nagiging magaan ang takbo ng mga pangyayari. Hindi mo na lang namamalayan, tapos na ang exam!
Maraming mga epektibong gawin bago ang exam day depende sa estudyante. Subukan man o hindi ang mga nakasulat sa itaas ay pinakamahalagang may tiwala ka sa sarili mong makapapasa ka. At siyempre ang tiwala, sinasamahan ng tiyaga sa pag-aaral para may nilaga kapag nakapasa! (photos mula sa google) LYKA NAVARROSA
Comments are closed.