SA panahon ngayon, mahirap ang maghanap ng trabaho. Minsan ay napupunta tayo sa trabahong hindi natin gusto. Minsan naman ay hindi akma sa tinapos natin ang trabahong pinasukan natin pero kailangan dahil iyon ang dumating sa ating oportunidad. Mahirap din naman ang mamili ng trabaho lalo na at napakarami nating kakompetensiya sa panahon ngayon. Ang iba pang kasabayan natin sa paghahanap ng trabaho ay mayroong mga experience.
May mga pinapalad mang mapunta sa kanilang trabahong pinapangarap, may mga pagkakataon pa rin kung minsan na umaalis sila sa trabahong iyon dahil hindi na masaya ang empleyado. Isang damdaming dapat iwasan dahil kapag hindi na masaya ang isang empleyado sa kompanya o sa trabahong mayroon siya, kasunod na nito ang kawalan ng gana at maaari pang humantong sa hindi na nila nagagawa ng maayos ang mga trabahong nakalaan sa kanila.
Maraming dahilan kung bakit bigla-biglang nawawala ang kaligayahan natin sa ating trabaho. Puwedeng dahil sa hindi natin nakasusundo ang mga kasamahan natin sa trabaho. Kung minsan naman, dahil sa rami ng mga nakaatang sa iyong gawain at nakadarama ka na ng kapaguran. Maaari ring dahil paulit-ulit mong ginagawa ang iyong gawain o trabaho, nagsasawa ka na at naghahanap ka ng kakaiba naman.
Hindi rin naman naiiwasang makaramdam tayo ng pagod sa trabahong mayroon tayo. Hindi rin maiiwasan ang magkaroon ng katampuhan sa trabaho o katrabaho. Iba-iba ang ugaling mayroon tayo kaya’t hindi rin natin masasabing magkakasundo ang bawat magkakatrabaho. Higit sa lahat, laging may inggitan sa isang opisina na kapag hinayaan, maaaring maging dahilan kaya’t nagkakanya-kanya ang magkakatrabaho o nahahati-hati.
Gustuhin man natin ang matiwasay na opisina ngunit kung minsan ay kayhirap nitong makamit. Pero may mga bagay namang puwedeng maiwasan. Gaya na lang ng pagkawala ng interes at kasiyahan sa trabaho.
At para hindi magsawang mahalin ang trabaho at ang mga gawaing kakambal nito, narito ang mga bagay na puwedeng gawin:
MAGING COMMITTED SA TRABAHO
Gaya nga ng sabi nila, kapag mahal mo ang trabaho mo, ibinibigay mo ang buong puso mo rito. Ginagawa mo ang lahat upang mapagbuti pa ang iyong trabaho.
Napakahalaga ng pagiging committed sa trabaho. Sa pamamagitan nito ay nagkakaroon ka ng pokus sa mga layunin mo sa trabaho. At nakakamit mo ang iyong pangarap na tagumpay sa pamamagitan ng iyong trabaho.
KILALANIN ANG SARILI
Sa pamamagitan ng iyong pagkakakilala sa sarili ay malalaman mo ang prinsipiyo mo sa buhay. Dito lalabas kung anong trabaho ang gusto mong pasukin base sa mga kaya mong gawin.
Alam mo na rin kung paano ka makikisalamuha sa mga makakatrabaho mo at magiging parte ng iyong mundo sa larangang pinasok mo.
HINDI LANG TAGUMPAY MO, TAGUMPAY RIN NG KOMPANYA
Masarap makitang nagtatagumpay ka at naaabot ang pangarap sa tulong ng iyong trabaho. Pero mas magiging masaya kung titingnan mo ito sa perspektibo na nakatutulong ka rin sa ikauunlad ng kompanyang pinapasukan mo. Everybody happy, hindi ba?
Kaya’t ang tagumpay mo ay hindi mo lang tagumpay kundi tagumpay rin ng iyong kompanya. Kumbaga, anuman ang maabot mo sa iyong trabaho o career ay nakatutulong ito upang gumanda pang lalo ang reputasyon ng kompanyang iyong pinagtatrabahuan.
HUWAG IKULONG ANG SARILI SA IISANG OPORTUNIDAD LAMANG
Sa bawat trabahong pinapasukan, pilitin nating buksan ang sarili sa maraming posibilidad at oportunidad. Hindi tayo magkukulong sa kung anong gawain lang ang nakaatang sa atin. Kung puwede ay magkusa tayong ipresinta ang sarili sa mga oportunidad na puwede at kaya nating gawin. Pero siyempre, hinay-hinay lang din. May panahon kung kailan lalabas sa kahon, at dapat alam natin iyon.
Puwede mong ipakita ang iba mo pang kakayahan. Pero iwasan din ang pag-ako sa lahat ng gawain sa opisina lalo na kung hindi naman iyan sakop ng iyong trabaho. Okey lang ang tumulong sa iba basta’t hindi nito naaapektuhan ang iyong gawain o ang mga bagay na iyong prayoridad.
UMIWAS SA GULO SA OPISINA
Hindi maiiwasan ang mga hindi pagkakaunawaan sa opisina. Kahit na sabihin nating ayaw nating magkaroon ng kaaway sa opisina, kung minsan ay nangyayari ito ng hindi natin inaakala. May mga pagkakataong nagpapakabuti at nagpapakabait ka na sa mga kasamahan mo sa trabaho pero niloloko ka pa rin at hinahanapan ng mali o isyu.
Nakalulungkot ang ganitong mga pangyayari. Nakawawala ng ganang magtrabaho lalo na kapag nakahaharap tayo ng mga problema sa opisina. Pero nangyayari ang ganito. Nagkakaroon talaga ng tampuhan, awayan at inggitan ang isang opisina o magkakatrabaho. Gayunpaman, hindi masamang umiwas sa problema. Huwag magsimula ng gulo. Huwag makipag-away o makipagtsismisan. Kung may nagtsitsismisan man sa opisina, hangga’t maaari ay huwag nang makisali rito at iwasan ang gulo. Magpokus na lamang sa trabaho. Tandaan na hindi parte ng pakikisama sa mga katrabaho ang pakikisali sa gulo o away nila.
Walang madaling trabaho at lalo nang hindi madaling magkaroon nito. Kung ano ang ibinigay ng kapalaran na trabaho sa iyo, mainam na paglaanan ito ng sipag, pagmamahal at respeto kasama ang iyong mga katrabaho, kompanya, at ang iyong sarili. (photos mula sa google) LYKA NAVARROSA
Comments are closed.