Normal na idinideklara na simula na ng tag-ulan tuwing buwan ng Hunyo. Hunyo 8 ngayong taon sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA na tag-ulan na.
Kasunod na nito ang ilang suspensyon sa mga klase at kamakailan lang ay ang pagdedeklara ng state of calamity sa ilang mga lalawigan. Kaya naman, todo paalala na rin ang pamahalaan sa ating mga kababayan lalo na sa mga nasa lugar na bahain o malalapit sa ilog nakatira.
Hindi natin makakalimutan ang mga bagyong nagdaan gaya ni Ondoy noong 2009, na nagpabaha sa halos buong Metro Manila. At pinakamalakas na bagyong tumama sa Filipinas na pumatay sa maraming pangkabuhayan at buhay ng mga taga-Leyte.
Matapos ang mga taong iyon na hindi tayo naging sobrang handa at ligtas sa mga dumating na bagyo, kaliwaan na ang mga programa ng gobyerno bago pa man dumating ang mga bagyo sa bansa.
Pero liban sa mga programang ito ay mayroong mga karaniwan at importanteng paalala para sa panahon ng tag-ulan dahil mula nga sa Philippine Red Cross at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahalagang may plano ang bawat tahanan bilang paghahanda sa tag-ulan.
MGA DAPAT GAWIN BAGO ANG BAGYO
– Siguraduhing may emergency at first aid kits sa inyong tahanan.
– Ihanda ang battery-operated radio, flashlight at ekstrang baterya.
– Maghanda ng mga pang-emergency na pagkain, tulad ng mga delata at biskwit.
– Tiyaking matibay ang mga bubong at bintana ng inyong bahay upang maiwasang tangayin ng malakas na ihip ng hangin.
– Ugaliing magdala ng mga proteksiyon kung sakaling abutan ng ulan at baha sa daan.
MGA DAPAT GAWIN HABANG MAY BAGYO
– Ugaliing makinig sa radyo o manood sa inyong mga telebisyon upang maging updated sa mga anunsiyo o babala tungkol sa lagay ng panahon.
– Manatili sa loob ng bahay hanggang matapos ang bagyo. Huwag lalabas ng bahay kung hindi kinakailangan.
Tandaan, mapanganib ang mga bagay na maaaring liparin ng malakas na hangin na dulot ng bagyo.
– Kung kinakailangang lumikas, tiyaking nakapatay ang main switch ng koryente sa bahay. Bukod pa rito, tiyaking nakasara rin ang tangke ng gas at nakasusi ang pinto ng inyong bahay.
– Iwasan ang paglusong sa baha upang makaiwas sa panganib na hatid ng leptospirosis, pagkalunod, pagkahulog sa manhole, at ang makoryente.
– Tignan ang listahan ng mga kawani ng gobyerno na makatutulong sa panahon ng bagyo.
MGA DAPAT GAWIN PAGKATAPOS NG BAGYO
– Maging alerto sa mga poste at electric wires na natumba o nahulog.
– Huwag kalimutang i-report ang anumang nasira sa kapaligiran.
– Kumustahin ang mga kamag-anak na nasa ibang parte ng bansa na nadaanan din ng bagyo.
May bago ring inilabas ang PAGASA na color coded rainfall warning signals na nagpapahiwatig ng lakas at posibleng tagal ng pag-ulan. Kamakailan lang ay nagkaroon ng text brigade ang NDRRMC na nagpapaalala sa mga lugar na may rainfall warning signals.
Para sa yellow rainfall warning ay may 7.5-15mm “heavy rain” na nagpapaalala na i-monitor ang lagay ng panahon at may posibilidad na pagbaha. Ang orange rainfall naman ay may hatid na 15-30mm “intense rain” na nagsasabing maghanda sa posibleng pag-evacuate.
Ang red rainfall warning naman ay may sobra sa 30mm rain at nagpapahiwatig ng evacuation dahil sa mataas na pagbaha sa mga mabababang lugar.
Mahalagang masiguro na handa tayo sa bawat kalamidad lalo na sa bagyo na hindi maiiwasan. Dapat tayong matuto sa mga nakalipas na taon upang sa gayon ay mabawasan ang mga pinsalang naidudulot nito sa atin.
Magkaroon tayo ng pakialam at huwag balewalain ang mga paalala kahit pa sabihing paulit-ulit lang ang mga ito. Lahat ng paalalang ito ay para sa ating kaligtasan. At kung may alam tayo o alerto tayo sa mga nangyayari sa paligid, malalayo tayo sa panganib. (photos mula sa google). LYKA NAVARROSA
Comments are closed.