NAGING isang malaking usapin kamakailan lamang ang tungkol sa Annual Update of Bill Deposit o mas kilala sa tawag na AUBD. Napakaraming mga katanungan ang umusbong – Ano ba ang bill deposit at bakit ito kailangang bayaran ng isang konsyumer? Bakit ito kailangang i-update? Ano ang basehan ng update na ito at ito ba ay isang legal na pamamaraan ng isang distribyutor ng kuryente?
Upang mas madaling maunawaan ang isyung ito. Himay-himayin natin.
Ang bill deposit ay isang charge na binabayaran ng konsyumer sa electric cooperative o distribution utility (DU) gaya ng Meralco kapag ito ay nag-apply ng serbisyo. Tulad ng konsepto ng deposito sa bahay, ito ay magsisilbing kabayaran sa anumang bill na maiiwang hindi bayad sa pagtatapos ng kontrata sa pagitan ng konsyumer at ng DU. Kung wala namang natitirang bayarin, ito ay isasauli sa rehistradong customer isang buwan makalipas ng pagtatapos ng kontrata. Ang paniningil ng nasabing deposito ay alinsunod sa Magna Carta for Residential Electricity Consumers na ginawa ng Energy Regulatory Commission (ERC) base sa Republic Act (R. A.) 9136 nas mas kilala sa tawag na EPIRA Law. Nakapaloob sa Magna Carta ang lahat ng karapatan at obligasyon ng isang konsyumer ng kuryente sa bansa. Ito ay isang pampublikong dokumento na maaaring ma-download mula sa website ng ERC.
Sa ilalim ng Chapter 3. Consumer Obligations, Article 28 – Obligation to Pay Bill Deposit ng Magna Carta for Residential Electricity Consumers, nakasaad na bahagi ng obligasyon natin bilang konsyumer ang bayaran ang bill deposit. Dito rin nakasaad na kailangang i-update ang bill deposit taon-taon kung ang average bill ng isang konsyumer ay naging mas mataas o mas mababa sa halaga ng depositong binayaran nito. Ang buwan kung kailan nagsimula ang kontrata ng konsyumer ang magsisilbing taunang iskedyul niya para sa update ng bill deposit.
Kung ang kabuuang halaga ng bill deposit at interes ng isang konsyumer ay mas mataas ng 10% o higit pa kumpara sa average na bill sa loob ng isang taon, isasauli ang sobrang deposit sa pamamagitan ng pagkaltas nito sa bill. Kung mas malaki ang halaga ng isasauling deposit kaysa sa kabuuang halaga ng bill, ibig sabihin makatatanggap ang konsyumer ng zero bill para sa buwan na iyon at ang natitirang deposito ay ikakaltas sa mga susunod pang buwan hanggang sa maisauli na ito nang buo.
Kung ang kabuuang halaga ng bill deposit at interes naman ay mas mababa ng 10% o higit pa kumpara sa average na bill sa loob ng isang taon, kakailanganin namang magdagdag ng deposito upang pumantay ito sa nakompyut na average na bill ng konsyumer. Ang kabuuang halaga ng karagdagang deposito na babayaran ng isang konsyumer ay awtomatikong mahahati sa 12 buwan at papasok sa buwanang bill ng konsyumer sa ilalim ng “other charges”.
Bukod sa update, nakasaad din sa nabanggit na probisyon ng magna carta na kapag ang isang konsyumer ay nagbabayad bago sumapit ang nakatakdang due-date ng bill sa loob ng hindi bababa sa tatlong magkakasunod na taon, makatatanggap ito ng abiso mula sa DU o electric cooperative na maaari na niyang makuha ang kabuuang halaga ng kanyang deposito kasama ang interes nito kahit aktibo pa ang serbisyo at ang kontrata nito.
Sa totoo lamang, matagal na itong ipinatutupad sa bansa. Nagsimula ang Meralco noong 2013. Maaaring mas nararamdaman lamang ito ngayon dahil kasabay ito ng pagtaas ng mga produkto at serbisyo sa bansa. Dagdag pa riyan, ang taong 2016 ay taon ng mababang rate ng kuryente na siyang naging basehan ng update ng bill deposit para sa taon ng 2017. Base sa datos ng Meralco ukol sa update ng deposito noong nakaraang 2017, nasa humigit kumulang 110,000 na konsyumer kada buwan ang nagta-top up ng deposito at nasa 80,000 naman ang nagre-refund kada buwan.
Ang konsumo natin bilang mga konsyumer ang nagdidikta kung tayo ba ay makatatanggap ng refund o magdaragdag ng deposito para sa ating account. Dahil diyan, ugaliin pa rin ang matipid at masinop na paggamit ng kuryente upang mas makontrol ang konsumo. Magkaroon man ng update sa inyong account, hindi magiging malaki ang pagkakaiba. Sa ganoong paraan, hindi mahihirapan sa pagbabayad kung top-up ang gagawing update.
Dapat din lamang alalahanin na ang bill deposit naman ay pera pa rin ng rehistradong customer na nasa pangangalaga ng DU at ng mga electric cooperative. Sa oras na magdesisyon ang isang konsyumer na tapusin ang kontrata nito sa DU, makaaasa sa itong ibabalik sa kanya ang kanyang deposito kasama ang interes na kinita nito.
Ang taunang pag-update ng bill deposit ay isinasagawa ng Meralco at iba pang mga kapwa distribyutor nito bilang pagsunod lamang sa batas na ipinatutupad ng ERC. Anumang aksiyon ukol sa usaping ito ay dapat munang idulog sa ERC. Makaaasa naman ang sambayanan na kung ano ang magiging desisyon o rekomendasyon ng komisyon ukol sa usaping ito ay siya namang susundin ng Meralco.
Comments are closed.