MGA DATING MIYEMBRO NG COMMUNIST FRONT ORGANIZATIONS AT COMMUNIST TERRORIST GROUPS NANGAKO NG KATAPATAN SA REPUBLIKA

SINAKSIHAN  ni Regional Peace and Order Council (RPOC) Chairman at San Juan City Mayor Francis Zamora ang pagbabalik at pangako ng katapatan sa Republika ng Pilipinas ng 27 dating miyembro ng Communist Front Organizations (CFOs) at 17 aktibong miyembro ng Communist Terrorist Groups (CTGs) sa pamamagitan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pangunguna ni NCRPO Regional Director, PMGen Edgar Alan Okubo, nitong Mayo 30, sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Isang programa ang idinaos para salubungin ang mga nagbabalik na dating miyembro ng CFO at CTG. Kabilang sa mga nakabalik na indibidwal ay pito mula sa grupong “KDAMAY”, lima mula sa “Alyansa ng mga Manggagawang Pilipino,” dalawa mula sa “Baseco People’s Alliance,” pito mula sa”Gabriela ,” anim mula sa “Anakpawis,” isa mula sa kategorya ng “Ganap na Kasapi,” isa mula sa “34thFront,” isa mula sa “Sandatahang Lakas pang Propaganda at Sentro de Gravedad,” at isa mula sa “8th Front.” Bukod dito, mayroong limang miyembro mula sa “New People’s Army,” dalawa mula sa “Sangay ng Partido sa Lokalidad,” isa mula sa “Larangang Uno Komiteng Probinsiya,” dalawang miyembro ng “Bagong Hukbong Bayan S4-Squad Caloy,” isang miyembro ng “SR SOG SL NEMAC,” at dalawang Secretaries mula sa “KDAMAY.”

Bilang patunay ng kanilang katapatan sa gobyerno, boluntaryong isinuko ng mga nagbabalik na indibidwal ang kabuuang 11 armas sa NCRPO, kabilang ang tatlong improvised home-made shotgun, tatlong .357 caliber revolver, dalawang M16A1 rifles na walang attachment, isang AK47 rifle,isang M14 sniper’s rifle, at isang M16A1 rifle na may kalakip na M203 grenade launcher.

Ang matagumpay na pagbabalik ng ating mga kababayan ay bunga ng patuloy na pagtutulungan ng mga puwersa ng pulisya at militar sa iba’t ibang komunidad sa Metro Manila at mga karatig rehiyon. Ang NCRPO, Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Special Action Force (SAF), PNP Intelligence Group (PNP IG), at Joint Task Force NCR (JTF NCR) ay nagtulungan bilang bahagi ng isang whole-of-nation approach upang wakasan ang insurhensya, ayon sa ipinag-uutos ng Executive Order No. 70, na nagpapalakas sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

“Bilang tagapangulo ng Regional Peace and Order Council ng National Capital Region, binabati ko ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno, sa pangunguna ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas, sa matagumpay na pagbabalik-loob ng katapatan ng ating mga kapwa Pilipino sa Republika. Sa mga nagbabalik, tinatanggap ko kayo pabalik sa kawan at tinitiyak ko sa inyo na gagawin ng ating gobyerno ang lahat para matulungan kayong mabuhay sa kapayapaan at kaunlaran bilang mga mamamayan ng Republika ng Pilipinas,” pahayag ni Mayor Zamora.

Habang nasa ilalim ng pangangalaga ng NCRPO, ang mga nagbabalik ay sasailalim sa medical evaluation, livelihood training at iba pang aktibidad upang matulungan silang makabalik sa normal na pamumuhay. Gagabayan din sila sa paghahanda ng mga kinakailangang dokumento para ma-access ang mga benepisyo sa ilalim ng Enhanced-Comprehensive Local Integration Programs (E-CLIP) at iba pang programa ng gobyerno na naglalayong magbigay ng mga bagong pagkakataon para sa mga nais bumalik.

Ang DSWD, sa pamamagitan ni Secretary Rex Gatchalian, ay magbibigay ng livelihood assistance sa kanilang lahat.

“Through Undersecretary Allan Tanhusay, the DSWD asked the returnees a favor, “Mayroon po kayong gagawin. Pagbigay po namin sa inyo ng sustainable livelihood program, mayroon po kayong taya. Ang hinihingi po ng DSWD sa inyo ay inyong kooperasyon, ang inyong pakikisama at suporta sa ating gobyerno.”

Ang kanilang pagtalikod sa katapatan sa mga makakaliwang grupo at ang kanilang buong pusong pagyakap sa tunay na diwa ng demokrasya at pagkakaisa ay isang makabuluhang hakbang tungo sa isang mapayapa at maunlad na bansa para sa lahat.

“Sa araw na ito, muli nating nakasama ang ating mga kababayan na nagbalik-loob sa gobyerno at tuluyan nang itinakwil ang grupong sumira sa kanilang buhay at pamilya. Kami ay nasa inyong likod upang kayo ay makapagsimula ng bagong buhay at makatanggap ng mga kabilang, “ diin ni PMGen Okubo.