(Mga dating sundalo) 5 SUSPEK SA DEGAMO SLAY SUMUKO SA AFP

INIHAYAG sa isinagawang joint press conference kahapon sa Office of Civil Defense sa Camp Aguinaldo ang pagsuko pa ng limang suspek na pawang mga sundalo rin sa Degamo slay case .

Ayon kay DILG Secretary Atty. Benjamin Abalos Jr., lima pang suspek na may direct participation ang sumuko sa militar at nakatakdang ibigay sa kustodiya ng National Bureau of Investigation.

Dahil dito, nasa sampu katao na ang hawak ngayon ng mga awtoridad na sinasabing may direktang partisipasyon sa pagsalakay at pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa.

Binati naman ni Justice Secretary Boying Remulla ang Armed Forces of the Philippines sa pangunguna ni AFP chief of Staff General Andres Centino sa malaking tulong na inambag ng militar para makuha sa pinakamabilis na panahon ang mga sangkot sa pagpatay kay Degamo.

Ayon kay Defense Secretary Carlito Galvez sampung araw matapos na ipinag-utos ni Pangulong Bongbong Marcos na dakpin lahat ang sangkot sa krimen ay nakuha ng militar ang mga na-identified na suspek.

Nabatid na siyam sa sampung suspek na nakuha ng militar ay mga dating sundalo habang isa naman ang trainee na sinasabing pawang may direktang partisipasyon sa well planned operation.

Inamin ni Remulla, kasalukuyang kinukunan ng pahayag ang mga suspek at posibleng sa Sabado ay matapos na nila ang isinasagawang imbestigasyon.

Wala pa tinukoy na kakikilanlan ng mastermind subalit, tiniyak sa nasabing pulong balitaan na maganda ang tinatahak ng imbestigasyon.

Malakas ang kanilang katibayan at hawak na intelligence information na patunay rito ang mabilis na pagkakadakip sa mga suspek ilang oras matapos ang krimen at ang pagkaka huli sa lima pang suspek na inilipat na ng safe house ng mga co- conspirator subalit natunton pa rin ng militar.

Kaugnay nito, hinikayat ni Pangulong Marcos si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr., na bumalik na sa bansa para harapin ang kasong kinasasangkutan nito.

Sa ambush interview sa Pangulo sa ika-126 founding anniversary ng Philippine Army, sinabi nitong tanging si House Speaker Martin Romualdez ang nakakausap ni Congressman Teves at ang sinasabi na may banta sa kanyang buhay kaya ayaw niyang umuwi sa Pilipinas.

Ayon sa Pangulo, batay sa monitoring ng intelligence unit ng pamahalaan ay walang threat o banta sa buhay ang kongresista, na sinang ayunan din ni PNP chief General Rodolfo Azurin Jr. VERLIN RUIZ