PINAALALAHANAN ng Malakanyang ang mga dayuhang mula sa mga bansang mayroong naiulat na localized coronavirus disease (COVID-19) transmissions na sundin ang ipinatutupad ng pamahalaan na quarantine restrictions.
Sa ginanap na press briefing kahapon sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na nirerebisa pang mabuti ng inter agency task force on emerging diseases ang mga detalye kaugnay sa ipatutupad na polisiya sa mga international travelers na papasok sa bansa.
“Regarding international flights, flights from Metro Manila going to and coming from abroad will be allowed, subject to travel restrictions that are currently in place,” sabi ni Nograles.
“Again, strict quarantine restrictions will be imposed on foreign nationals coming from countries with localized COVID-19 transmissions,” dagdag pa ni Nograles.
Sa ilalim ng mga patakaran ng pamahalaan maging ang mga indibiduwal na walang sintomas ng COVID-19, subalit nagkaroon naman ng exposure sa nagpositibo sa naturang virus ay itinuturing na “person under monitoring “ kung kayat marapat na sumailalim sahome quarantine sa loob ng 14 na araw.
Ayon kay Nograles, ang sinumang pasahero mula sa ibang bansa na lalapag sa Ninoy Aquino International Airport ay kailangang mananatili sa Metro Manila habang hindi pa binabawi ang travel ban na itinakda hanggang Abril 12.
Noong Huwebes ay inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang resolusyon na inihanda ng IATF na nagbabawal sa land, domestic sea at air travels papasok at palabas ng Metro Manila bilang bahagi ng “community quarantine” upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
“If the ultimate destination is in the provinces we suggest that you fly in via Clark, Cebu, and other airports not under quarantine, they can proceed to your ultimate destination in the provinces,” sabi ni Nograles
Nilinaw ni Nograles na ang suspensyon ng domestic travel ay rerebisahin “on a daily basis” at posibleng mai-lift ng mas maaga o ‘di kaya naman ay mapalawig pa kung kinakailangan.
Gayunman, ang mga Filipino citizen at kanilang foreign spouse at mga anak at yaong mga holder ng permanent resident visas, at holders ng diplomatic visas na inisyu ng gobyerno ng Filipinas na galing sa ibang bansa ay papayagan namang makapasok ng bansa subalit kinakailangang sumailalim sa mahigpit na quarantine guidelines. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.