NAIS ni Senador Win Gatchalian na maagap na kumpiskahin ng Bureau of Immigration (BI) ang alien certificate of registration card (ACR-I) na inisyu sa lahat ng dayuhang konektado sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na sangkot sa mga krimen.
“Dapat kumpiskahin ang mga pisikal na cards dahil sa ating bansa, malaking bagay ito. Sa sandaling magpakita ka ng card, mayroong agarang pagpapalagay ng pagiging lehitimo. At dahil mga kriminal ang sangkot dito, kabilang ang mga sindikato ng human trafficking, nakakabahala na mayroon silang mga ID. Kaya mas mabuting kumpiskahin na ang mga ID na ito para hindi na nila uli magamit,” ani Gatchalian.
Dahil hindi interconnected ang mga ahensiya ng gobyerno, walang paraan para suriin ng iba pang mga ahensiya ang bisa ng impormasyon. Ang kawalan ng connectivity na ito ay nagbibigay-daan para maisip ng ibang tao na ang mga may hawak ng government-issued IDs ay ligal sa bansa dahil sa impormasyong tinukoy sa mga ID na iyon, paliwanag ni Gatchalian sa isang pagdinig na isinagawa ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa hindi awtorisadong paglaganap at paggamit ng mga dokumento ng gobyerno ng mga dayuhan.
Ayon kay Gatchalian, nire-recycle lang ng mga manggagawa ng POGO, partikular na ang mga sangkot sa iligal na aktibidad, ang paggamit ng naturang mga ACR upang bigyang-katwiran ang kanilang patuloy na pananatili sa bansa at maituring silang ligal.
Mahigpit na isinusulong ni Gatchalian, ang chairperson ng Senate Committee on Ways and Means, ang pagpapatalsik sa mga POGO sa bansa lalo na’t lumalabas na mas malaki ang gastos ng gobyerno sa patuloy nilang pananatili sa bansa kaysa sa anumang benepisyong pang-ekonomiya na nakukuha mula sa industriya.
VICKY CERVALES