MGA DDS KAY VELASCO: KAKAMPI KA BA O KAAWAY?

MASAlamin

HINDI nagustuhan ng mga supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte na Die Hard Duterte Supporters(DDS) ang naging pagkampi at pagtatanggol ni House Speaker Lord Allan Velasco sa red-tagging sa Makabayan Bloc na malinaw umanong pagbalewala sa Pangulo at pangmamaliit sa kakayahan ng military sa pangangalap ng impormasyon laban sa CPP-NPA.

Sa Youtube Channel na Banat Balita ng DDS, sinabi nito na sa ginawang pagtatatanggol ni Velasco sa Makabayan Bloc ay  ipinakikita lamang nitong wala siyang nalalaman sa isyu ng CPP-NPA.

“Kung talagang kay Pangulong Duterte ka,  sumunod ka sa kumpas ni Pangulong Duterte, hindi naman sila mag-aakusa nang walang ebidensiya, sinasabi mong careless accusations si Gen Parlade, hindi sila careless,  puno ng ebidensiya, hindi ka nanonood, wala kang internet? Sanay ka naman gumamit ng cellphone bakit hindi mo tinitingnan?. ‘Yung Makabayan bloc mayroong ebidensiya ang ating pamahalaan kaya ‘wag ibahin ang usapan,  itigil ang pagtatanggol diyan,” ayon pa sa DDS.

Matatandaan na una nang nagpasalamat sina Bayan Muna Rep Carlos Isagani Zarate at Act Teachers Partylist Rep. France Castro kay Velasco sa ginawa nitong pagtatanggol sa kanila sa red- tagging ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflct(NTF-ELCAC) Spokesperson Lt Gen Antonio Parlade, kung saan giit ng Makabayan Bloc, naramdaman nilang protektado sila sa ginawa ni Velasco.

“Lubos naming pinasasalamatan si Speaker Velasco. ‘Yung ginagawa niyang pagtatanggol sa kanyang kasamahan, lalo na siya ay Speaker, ngayon lang ako nakarinig ng Speaker na ganto,”nauna nang pahayag ni Castro.

Sa ipinalabas na statement ni Velasco, sinabi nito na apektado siya sa ginagawang red-tagging ni Parlade sa House members.

“As Speaker of the House, I am duty bound to protect them from potential harm due to these careless accusations,” pahayag ni Velasco kung saan sinabihan nito si Parlade na maging maingat sa kanyang pananalita laban sa mga House member.

“We may not not agree with them on certain issues but be mindful that these lawmakers are duly elected representatives of the people, and implicating them on issues that have yet to be substantiated Is uncalled for,” dagdag pa ni Velasco.

Sinabi ng mga supporter ni Pangulong Duterte na dalawa lamang ang nakikita nilang dahilan ng pagkampi ni Velasco sa Makabayan Bloc, una ay nata-takot syang banggain ang CPP-NPA dahil mayroong mga NPA sa distrito nito sa Marinduque o mapapakinabangan niya sa 2022 election ang mga ito.

Hamon nito kay Velasco na patunayan na malapit talaga kina Pangulong Duterte at Sara Duterte.

“Sinasabi  niya na close siya kina Pangulong Duterte at Mayor Sarah pero hindi niya (Velasco) alam na ang mga Duterte mismo ang nagsabi na may kaugnayan ang Makabayan Bloc sa CPP-NPA.”

Matatandaan na sa kontrobersiyal na Instagram post noong October 8, 2018 ni Mayor Sarah ay tinawag nitong milking cow ng mga terorista ang partylist system kung saan tinawag nitong terrorists at liars ang Makabayan Bloc na dapat ay matangggal sa Kamara.

Noong 2016 sa kanyang talumpati sa 1st Infantry Division sa Labangan, Zamboaga del Sur ay una na ring sinabi ni Pangulong Duterte na ilang partylist sa Kamara ay may kaugnayan sa CPP at nagpopondo sa armed wing nito na New People’s Army (NPA).

Aminado ang DDS na dismayado sila sa pagiging Speaker ni Velasco. Anila, hindi  maituturing na magaling na Speaker kung iba ang sinasabi nito sa kung ano ang posisyon ng administrasyon sa mga isyu.

Comments are closed.