TAGUIG CITY – NASA mahigit na 7,000 na pulis ang itatalaga ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) upang magbigay ng seguridad at peace and order sa bisinidad ng Quiapo para sa pista ng Itim na Nazareno sa Enero 9.
“Sa atin pong preparation, we will be fielding around 7,100 police personnel kasama na po ‘yung augmentation nito. Basically around 2,000 plus will be coming from the Manila Police District and 5,000 from other districts pati na ‘yung regional mobile force battalion,” pahayag ni NCRPO Director Guillermo Eleazar.
Sa tantiya ni Eleazar ay tinatayang nasa 2.5 milyong deboto o higit pa ang dadalo sa kapistahan ng Itim na Nazareno.
Tiniyak ni Eleazar sa publiko na nakahanda ang kanilang pwersa para sa pagmamantina ng mahigpit na seguridad, kaayusan at kapayaan sa nalalapit na kapistahan.
Dagdag pa ni Eleazar na nakatakda na rin nilang ilabas ang traffic advisories sa publiko upang malaman kung aling mga kalsada ang isasara at magiging alternatibong ruta upang maiwasan ang kalituhan ng mga motorista.
Sinabi pa ni Eleazar, na pinag-aaralan na rin nila kung “i-sha-shut down” ang signal ng mga mobile phone habang nagaganap ang naturang event.
Idinagdag pa ni Eleazar na tiyak nilang ipatutupad ang “No Fly Zone at No Sail Zone” base sa kanilang kahilingan sa Department of Transportation (DOTR) upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko lalo na ang mga dadalo sa kapistahan.
Tiniyak pa rin ng NCRPO chief na magpapatupad sila ng mas mahigpit na seguridad bago at mismo sa araw ng kapistahan upang iwasan ang karahasan o kaguluhan na posibleng samantalahin ng masasamang elemento. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.