PINAIIMBESTIGAHAN ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez sa Kamara ang mga napaulat na pagpalya ng mga vote counting machines o VCMs nitong nagdaang halalan.
Giit ng kongresista, maraming polling places sa mga siyudad at mga probinsya sa buong bansa ang nakaranas na depektibo ang mga makina. Aniya, nagresulta tuloy sa disenfranchisement ng libo-libong mga botante ang nangyaring problema.
Mula aniya nang mag-shift ang bansa sa automated election sa dating manual voting, ay hindi na natapos ang mga naranasan ng bansa na pagpalya ng mga makina at SD cards.
Obligasyon umano ng Kongreso na silipin ang mga napaulat na problema at magbigay ng solusyon sa pamamagitan ng lehislasyon o pagpaparusa at pagmumulta na ipapatupad ng Commission on Elections sa mga responsableng indibidwal o sa mismong automation service provider na Smartmatic.
Hinikayat din ng kongresista ang poll body na ipagbigay alam sa publiko kung ilang makina ang pumalya, saang mga polling areas nai-deploy ang mga depektibong VCMs at kung anong mga hakbang ang ginawa kasama ang timeline at numero ng mga apektadong botante. CONDE BATAC