MGA DRAYBER DUMADAING SA LOCKDOWN

JEEPNEY DRIVER-1

NAGLABAS ng hinaing ang ilang samahan ng mga drayber kaugnay sa kawalan ng pamamasada dulot ng Covid-19 outbreak.

“Wala na kaming makain pati na rin ang aming mga pamilya,” sigaw ng mga tsuper sa bahagi ng Cubao, Quezon City.

Panawagan ng isang grupo ng mga jeepney driver na humihingi ng tulong na hindi makabiyahe mula nang ipatupad ang enhanced community quarantine upang labanan ang Covid-19.

Ayon sa grupo ng mga drayber na may biyahe ng Mercury Cubao, at Scout Lazcano Barangay Paligsahan sa Quezon City, isang linggo na silang walang hanapbuhay dahil sa full implementation ng ECQ o lockdown.

“Kami po ay tiklop luhod na nakikiusap sa mga kinauukulan tulungan n’yo po kami, wala na po kaming makain pati na rin ang aming mga pamilya na umaasa sa amin,” saad ng mga drayber.

Sinabi pa ng grupo na wala silang ibang alam na pagkakakitaan kundi ang bumiyahe lamang ng kanilang mga jeepney.

Nauna rito nanawagan na rin ang ibang transport leaders sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na bigyan sila ng ayuda dahil wala na silang makain at pagkukunan ng ibang hanap buhay.

Humihingi rin ang mga jeepney driver ng mga facemask bilang panlaban sa Covid-19. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.