TATALAKAYIN ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagdaragdag ng voting precincts para sa Overseas Absentee Voting (OAV) sa Hong Kong.
Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, kasunod ito ng mga reklamo sa mahabang pila at magulong election system sa unang araw ng absentee voting para sa overseas Filipinos.
Aniya, posibleng itaas sa walo hanggang sampu ang bilang ng voting precincts.
Inaasahang lalahok sa overseas absentee voting sa Hong Kong ang nasa 93,000 mga Pinoy.
Nanawagan ang Philippine Consulate sa Hong Kong sa mga botanteng Filipino na ikonsidera ang pagboto sa mga susunod na araw.
Mahaba ang pila ng mga botante na nakatawag-pansin sa mga pulis sa gitna ng ikalimang COVID-19 surge sa nasabing lugar.
Ayon kay Consul General Raly Tejada, magandang senyales para sa demokrasya ng bansa ang pagpila ng libo-libong Pinoy sa polling station sa Bayanihan Kennedy Town Centre.
Gayunman, ikinaalarma ng Hong Kong Police Force ang pagdagsa ng mga OFW dahil sa health at safety concerns lalo’t napakataas pa rin ng COVID-19 cases dito.
Umapela naman ang Philippine Consulate sa Hong Kong sa mga employer na payagan ang kanilang mga empleyadong Filipino na bumoto ngayong linggo kung saan inaasahang mas kaunti ang mga tao. DWIZ882