NAGPAHAYAG ng pagkabahala ang ilang dalubhasa sa international policy at public health sa mga kontrobersyal na polisiya ng World Health Organization (WHO) nitong mga nakaraang taon at nagsasabing dapat nitong unahin ang kalusugan ng publiko sa halip na makisali sa pulitika.
Sa artikulo ni Martin Cullip na kamakailan ay inilathala ng The Washington Times na pinamagatang “World Health Organization has gone rogue, should no longer be considered credible”, inilantad ang maraming pagkakataon kung saan ang kredibilidad at proseso ng paggawa ng desisyon ng WHO ay binalot ng kontrobersiya.
Ayon kay Dr. Rafael Castillo, isang kilalang Filipino cardiologist na nagsilbing presidente ng Philippine Heart Association-Philippine College of Cardiology, ang publiko ay umaasa sa WHO upang magbigay ng tumpak na impormasyon at gabay sa mga oras ng krisis.
Aniya, malinaw na sa ilang mga pagkakataon, ang desisyon ng WHO ay tila naimpluwensyahan ng mga pampulitikang bagay kaysa agham.
“It raises serious doubts over their impartiality and even their ability to safeguard public health,” sabi ni Dr. Castillo.
Dapat aniya tumuon ang WHO sa pangunahing misyon nito sa pagpapabuti ng public health. Sa halip, ang organisasyon ay pinili na makipag-ugnayan sa mga pamahalaang inakusahan ng paglabag sa karapatang pantao at demokratikong proseso.
Nagpahayag din ng pagkalungkot si Dr. Castillo sa tila kawalan ng transparency sa loob ng WHO.
“They need to assess their priorities to address global health threats promptly, rather than associating with dubious personalities and diverting their attention to peripheral matters,” sabi ni Dr. Castillo.
Idinetalye ng artikulo ni Cullip na isang international fellow ng Taxpayers Protection Alliance’s Consumer Center na nakabase sa London, ang ilan sa mga desisyon ng WHO sa mga nakaraang taon na ikinabahala ng mga lokal at internasyonal na eksperto.
Isa sa mga ito ang balak ng WHO na magdaos ng isang pagpupulong sa Nobyembre upang ituring ang vaping at iba pang reduced-risk products bilang kasing sama ng sigarilyo. Ayon sa artikulo ng Washington Times, ito ay base sa “junk science and misinformation.”
Ang mga produktong tulad ng vapes at heated tobacco ay tumutulong ngayon sa milyon-milyong tao na tumigil manigarilyo, subalit tinututulan ito ng WHO.
Ang Framework Convention on Tobacco Control (FCTC) ng WHO ay isang pandaigdigang kasunduan na pinamamahalaan ng Conference of Parties na binubuo ng mga kinatawan mula sa lahat ng bansang lumagda sa kasunduan.
Subalit sinabi ng artikulo sa Washington Times na lumilitaw na sinusuportahan ng WHO ang ilan sa mga gobyerno sa mundo habang nagsusulong ng mga patakarang salungat sa kalusugan ng publiko.
Binanggit din ng artikulo na nakialam ang WHO sa mga bansang nasa gitna ng krisis o digmaan. Noong nakaraang buwan, pinuri ng WHO ang Ukraine sa pagbabawal sa flavored vaping liquids habang ang bansa ay nasa gitna ng digmaan.
Dagdag ng artikulo, ito ay katulad noong 2016 kung saan hinimok ng WHO ang mga opisyal ng Syria na sinalanta ng Islamic State na magpatupad ng plain packaging para sa sigarilyo habang ang bansa ay nasa isang matinding krisis.
Pinuna rin ng artikulo ang kakulangan sa pagtugon ng WHO sa COVID-19 dahil sa mabagal na pagkilala nito na may nagaganap na community transmission at pagtutok sa mga hindi kaugnay na isyu sa pandemya tulad ng vaping.
Nabanggit din nito ang mga maling prayoridad ng WHO tulad ng pagtutok sa pagbabawal sa e-cigarette kaysa sa pagtugon sa pandaigdigang sakit tulad ng Ebola outbreak.
Kabilang pa sa mga kontrobersyal na aksyon ng WHO ang diumano’y pagpabor sa gobyerno ng China, ang pagsama ng North Korea sa executive board ng WHO at ang director-general meeting ng WHO kasama ang deputy health minister ng Russia.
Ito ay sa kabila ng mga umano’y pang-aabuso sa karapatang pantao ng Russia sa Ukraine, ayon sa artikulo.
Itinalaga rin ng WHO ang diktador ng Zimbabwe na si Robert Mugabe bilang goodwill ambassador, dagdag ng artikulo.