NANAWAGAN ang isang grupo ng mga eksperto sa World Health Organization na huwag balewalain ang kakayahan ng tobacco harm reduction (THR) na iligtas ang isang bilyong naninigarilyo sa buong mundo mula sa lubhang panganib dulot ng usok ng sigarilyo.
Sa ginanap na ika-10 taon ng Global Forum on Nicotine (GFN23) sa Warsaw, Poland kamakailan, nagkaisa ang mga kalahok upang manawagan sa WHO, kabilang ang Framework Convention on Tobacco Control (FCTC) nito, na bigyang pagkakataon ang THR na makatulong sa pagresolba sa problema ng paninigarilyo.
Ang THR ay isang pampublikong paraang pangkalusugan na humihikayat sa mga naninigarilyo na kung ayaw huminto ay lumipat sa hindi gaanong nakakapinsalang mga alternatbo tulad ng e-cigarette, heated tobacco, nicotine pouch at iba pang mga walang usok na devices upang lubhang bawasan ang epekto ng usok sa kalusugan.
Ipinakikita ng mga siyentipikong pag-aaral na ang usok, at hindi nikotina, ang nagdudulot ng malubhang sakit at maagang pagkamatay ng mga naninigarilyo. Ito ay dahil kapag nasusunog ang tabako, nalalanghap ng mga tao ang usok na naglalaman ng libo-libong nakakapinsala at potensyal na nakapipinsalang kemikal.
Ayon kay Dr. Alex Wodak, isang retiradong manggagamot at dating presidente ng Australian Drug Law Reform Foundation, “ang mga tao ay naninigarilyo para sa nikotina, ngunit sila ay maaaring mamatay dahil sa pagtutol sa tobacco harm reduction.”
Hiniram ni Dr. Wodak ang kasabihan ni Michael Russell na “ang mga tao ay naninigarilyo para sa nikotina, ngunit sila ay namamatay mula sa usok”. Si Russell ay isang nangungunang British psychiatrist na kinilala bilang ‘ama’ ng THR. Inilathala ng British Medical Journal noong 1976 ang kanyang pananaw sa THR.
Sinabi naman ni Dr. Lorenzo Mata, presidente ng Quit For Good, isang organisasyon na nagtataguyod ng harm reduction para mabawasan ang pinsalang dulot ng sigarilyo sa Pilipinas, na dapat payagan ng WHO ang mga alternatibo sa sigarilyo.
“Ako ay isang doktor sa loob ng mahigit 40 taon, at alam ko kung gaano ito kahirap para sa mga naninigarilyo kapag wala silang mga alternatibo na mas mababa ang dulot na panganib,” sabi ni Dr. Mata.
Ipinaliwanag ni Dr. Sud Patwardhan ng Center for Health Research and Education na tumutugon sa mga pangangailangan ng mga pinakamahihirap na gumagamit ng tabako, na malinaw na ang mga mamimili sa buong mundo ay humihingi ng mga produktong may mas mababang panganib.
Binigyang-diin ni Le Dinh Phuong, isang doctor ng Internal Medicine sa Vietnam, ang kahalagahan ng mga alternatibong produkto.
Sinabi ni Dr. Phuong na base sa maraming pananaliksik at pag-aaral, ang paglipat sa heated tobacco mula sa sigarilyo ay maaaring makabawas ng panganib ng COPD at cardiovascular disease.
Ikinalungkot ng mga kalahok sa GFN23 sa Warsaw na sa kabila ng madaming siyentipikong ebidensya, patuloy itong binabalewala at itinatanggi ng WHO.
Ang mga delegado ng GFN, kabilang ang mga taong huminto sa paninigarilyo sa pamamagitan ng paglipat sa mga alternatibong produktong walang usok, ay nagpahayag ng pagkabahala lalo na’t naghahanda ang WHO para sa ika-10 sesyon ng Conference of the Parties (COP) sa WHO FCTC na gaganapin sa Panama City sa Nobyembre 20 hanggang 25, 2023.
Nagpahayag ng pagkabahala ang mga eksperto tungkol sa pagtulak ng FCTC para sa pagbabawal sa mga vapes at iba pang mga alternatibong walang usok.
Sinabi ni Dr. Colin Mendelsohn, isang doktor, akademiko at mananaliksik sa Australia, na ang mga pagbabawal na ganito ay hindi talaga nagtatagumpay.
Aniya, ang mga pagbabawal ay maaaring makapagpalaki pa sa black market at maka-engganyo ng mga kriminal na aktibidad.
Napansin ng mga eksperto na sa kabila ng ilang dekada ng tobacco control sa pangangasiwa ng WHO at FCTC, mahigit isang bilyong tao ang patuloy pa ring naninigarilyo at karamihan sa kanila ay nakatira sa low and middle-income countries o LMICs. Pitong milyong tao rin ang namamatay sa sakit dulot ng paninigarilyo bawat taon, anila.
Nangangamba si Jessica Harding, program director ng GFN, sa maaaring maging desisyon ng COP 10 sa Nobyembre.
Ang pagbabawal o labis na regulasyon ng mas ligtas na mga produkto ng nikotina ay magtutulak lamang sa mga tao pabalik sa paninigarilyo o sa mga produktong makikita sa black market, sabi ni Harding.
Sa kabila ng mga direktang epekto sa buhay at kalusugan, hinahadlangan din ng WHO ang mga konsyumer at iba pang organisasyon na dumalo o magsalita sa mga pulong ng COP na nababalot ng lihim, dagdag niya.