MGA EMPLEYADO NG MALAKANYANG HINIGPITAN

malakanyang

NAGHIGPIT ang Presidential Security Group (PSG) maging sa mga empleyado ng Malakanyang na dadaan sa Gate 2.

Nabatid na dati ay mga bisita lamang ang magpi-fill up ng forms subalit ngayon maging ang mga empleyado ng Palasyo ay obligado nang magbigay ng kailangang impormasyon na hinihingi ng PSG.

Kabilang sa mga impormasyong kailangang sagutin ng mga magsisipasok na empleyado ay ang form tungkol sa travel history, history of exposure at iba pa.

Ilan pa sa mga kailangang sagutan ng sino mang papasok sa compound ng New Executive Building (NEB) ay kung may dinaramdam ba  itong sinat, ubo o sipon, pamamaga ng lalamunan at hirap sa paghinga.

Nakasaad din sa form kung may travel history ang mga kinauukulan sa mga bansang may kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa nakalipas na apat na linggo.

Kasama rin sa kinukuhang impormasyon ang history of exposure kung saan ay tatanungin ang mga papasok sa NEB kung may nakahalubilo ba itong indibidwal na positibo sa COVID-19.

Gayundin, kung naospital sa isang pagamutan na may kumpirmadong kaso ng coronavirus at kung may pakikisalamuha o kasama ba siya mismo sa bahay ng isang indibidwal na nagtatrabaho sa ospital.

At pagkatapos na masagutan ang form, sasalang naman sa thermal scanning ang sino mang papasok sa Gate 2 at kapag nadeterminang umabot sa 38 degrees Celsius ang temperature nito ay hindi na ito makakapasok pa.

Kapag mababa naman sa 38 degrees Celsius ang temperature, tatatakan na ng clearance ng PSG ang papasok sa NEB. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.