PINAALALAHANAN ng Philippine Health Insurance Corporation, Inc. (PhilHealth) ang publiko na sa pag-alis ng state of calamity sa buong bansa bunsod ng COVID-19 sa pagtatapos ng nakaraang taon, ang mga espesyal na pribilehiyo sa ilalim ng mga hindi inaasahang pangyayari ay wala nang bisa simula nitong Enero 1, 2023.
Batay sa PhilHealth Advisory 2023-0012, sinabi ni Acting President at Chief Executive Officer Emmanuel R. Ledesma, Jr. na sa pagtigil ng mga special priveleges, ang deadline ng pagsusumite ng mga claim ay babalik sa 60 araw sa kalendaryo mula sa petsa ng discharge nito.
Aniya, ang mga alituntunin sa 45-araw na limitasyon sa benepisyo at single period confinement ay dapat i-aplay para sa lahat ng claim na may petsa ng pagpasok simula Enero 1, 2023.
“This means that a member is entitled to a maximum of 45 days confinement per calendar year while their qualified or legal dependents shall share a separate 45-day benefit per calendar year,” ani Ledesma.
“Meanwhile, the single period of confinement rule means that admissions and re-admissions due to the same illness or procedure within a 90-calendar day period shall only be compensated with one case rate benefit,” dagdag pa ni Ledesma.
Kabilang sa mga espesyal na pribilehiyo sa mga hindi inaasahang pangyayari na ipinagkaloob sa panahon ng “state of calamity”, gaya ng nakasaad sa PhilHealth Circular No. 2020-007, ay ang pagpapalawig ng pagsusumite ng mga claim hanggang sa 120 araw sa kalendaryo mula sa petsa ng paglabas at exemption mula sa 45 -araw na limitasyon sa benepisyo at single period sa confinement rule nito.
Sinabi pa ni Ledesma na maaaring tumawag ang publiko sa PhilHealth Callback Channel sa 0917-898-PHIC (7442) o alinman sa PhilHealth Regional and Local Health Insurance Offices para sa anumang katanungan o concern.
Karaniwang nagbibigay ng mga espesyal na pribilehiyo ang PhilHealth sa mga miyembro nito at mga pasilidad sa kalusugan na apektado ng “fortuitous events”, na kinabibilangan ng “acts of God” tulad ng baha, bagyo, at natural na sakuna, at “acts of man” tulad ng mga rebelyon, insurhensiya, at digmaan.