MGA ESTUDYANTE HAGIP DIN NG TRAIN LAW

SEN BAM AQUINO

NANGANGAMBA  si Senador Bam Aquino na masakripisyo ang edukasyon ng mahihirap na estudyante dahil sa taas-presyo na dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

“Dahil sa pagtaas ng presyo, maraming mahihihirap na estudyante ang maaaring hindi na makapag-aral,” giit ni Aquino.

Aniya, tumaas na ang ang cost of living pero hindi pa rin nada­dagdagan ang kita ng mga mang­gagawa at dahil kulang na ang suweldo ay maaaring masakripisyo na ang pag-aaral ng mahihirap na estudyante.

“Ilang kabataan kaya ngayon ang ‘di na nakapag-enrol dahil hirap ang mga magulang sa pagtustos ng mga gastusin dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin,” tanong pa ng senador.

Dahil sa mataas na presyo ng bilihin at serbisyo, binigyang diin ni Aquino na bumababa ang halaga ng mga programa ng pamahalaan, tulad ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) at libreng edukasyon sa kolehiyo.

“Hindi na sapat ang tulong ng 4Ps para matugunan ang pangangailangan ng mahihirap na Pilipino. Buti na lang at may libreng kolehiyo na,” anito.

Maliban sa paghahain ng resolusyon na pag-aralan ang unconditional cash transfer program sa ilalim ng TRAIN Law, naghain din si Aquino ng panukalang irolbak ang excise tax ng produktong petrolyo sa ilalim ng TRAIN kapag ang average inflation rate ay lumampas sa taunang inflation target sa loob ng tatlong buwan.

Iginiit nito, ang buong pagpapatupad ng unconditional cash transfer program ay makatutulong na mapababa ang paglobo ng presyo ng bili­hin at serbisyo na dulot ng TRAIN Law.   VICKY CERVALES

 

Comments are closed.