RIZAL- KASAMA ang lokal na pamahalaan ng Angono, magkatuwang na pinangunahan ng mga estudyante ang pagtatanim ng gulay, bungang-kahoy at punong namumunga ng prutas sa isang pamayanan sa munisipalidad na kilala bilang Art Capital of the Philippines.
Sa kalatas ng Angono Public Information Office, binigyang pagkilala ng lokal na pamahalaan ang inisyatiba ng mga mag-aaral mula sa University of Rizal System (URS) at Systems Technology Institute (STI) sa likod ng proyektong alinsunod sa programa ni Pangulong Bongbong Marcos.
Partikular na tinukoy ni Angono Mayor Jeri Mae Calderon ang programang Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay, Kadiwa’y Yaman, Plants for Bountiful Barangays Movement na mas kilala sa tawag na ‘Hapag Kay BBM’.
“The Municipality of Angono stands proud of our students and volunteers who took the initiative to replicate the President’s sustainable agriculture initiatives in their own little way,” ani Calderon.
Sa ilalim ng naturang programa, target ng pamahalaan palakasin ang kakayahan ng mga pamayanan sa larangan ng tinaguriang ‘sustainable agriculture initiatives” na tugon sa isinusulong tugunan ang panawagan para sa sapat at abot-kayang pagkain para sa mga mamamayang Pilipino.
Sa unang araw ng proyekto, kabilang sa mga aktibong nakilahok sa pagtatanim si Kapitan Jonathan Hernandez ng Barangay San Pedro.
Ginabayan naman ni Kagawad Marjorie Cabalon at ang mga bumubuo ng Barangay Solid Waste Management Team ang mga mag-aaral na wastong pagtatanim, paggamit ng abono mula sa basura, recycling at pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran. ELMA MORALES