IPINAKITA ng resulta ng katatapos lamang na eleksiyon na tanging ang pagbabago ang nananatiling sigurado sa mundong ito. Ipinakita nito na kahit gaano katagal na ang isang bagay, maaari pa rin itong mawala gaya ng kapangyarihan mula sa pagkakaluklok sa posisyon sa gobyerno. Sabi nga, sa bawat pagtatapos ay mayroong nagsisimula gaya ng panunungkulan ng mga bagong personalidad na mamumuno sa ilang lugar sa bansa bilang resulta ng katatapos lamang na eleksiyon. Ang nakaraang eleksiyon ay nagbigay ng bagong pag-asa para sa ating mga Filipino.
Maraming mga political dynasty ang nagtapos ngayong eleksiyon. Ang kapangyarihang nagpasalin-salin sa iba’t ibang henerasyon ng iisang pamilya ay naisalin na sa ibang apelyido. Tila naghahanap ng pagbabago ang mga residente ng ilang mga lungsod sa Metro Manila tulad ng Maynila at Makati. Isa itong kapana-panabik na kabanata dahil matapos maghari sa panunungkulan ang mga political dynasty sa nabanggit na mga lungsod, napalitan na ito ng bagong mga mukha.
Tinapos ni Isko Domagoso Moreno ang 50 taon na pamumuno ni dating Presidente Joseph ‘Erap’ Estrada. Napakalinaw ng pagkapanalo ni Moreno dahil sa laki ng lamang nito kay Erap. Sa Makati naman, dalawang magkaribal na pamilya ang nagtagisan sa pamumuno sa lungsod. Ngunit nang matapos ang bilangan para sa pagiging congressman ng isang distrito ng Makati, natalo ni dating Mayor Kid Pena ang dating bise-presidente na si Jejomar Binay na ikinagulat ng marami. Hindi nagpahuli ang San Juan sa kuwento ng pagbabago. Tinapos ni dating Vice Mayor Francis Zamora ang 50 taong panunungkulan ng mga Estrada sa lungsod.
Ang kuwento ng pagkatalo ng mga pamilyang tila institusyon na sa larangan ng politika ay hindi nagtatapos sa Metro Manila. Ultimo ang mga probinsiya ay may ganitong istorya rin matapos ang eleksiyon.
Ang mga Ecleo mula sa Dinagat-dagatan ay natalo kay Congresswoman Kaka Bag-Ao, isang abogado ng human rights. Ang dynasty ng Floirendo-del Rosario ay natalo rin kay dating House Speaker Pantaleon Alvarez. Sa Antique naman, tinapos ng dating senador na si Loren Legarda ang 32 taon na pamumuno ng mga Javier sa probinsiya.
Ang matatawag na pinakamakasaysayang istorya na nangyari noong nakaraang eleksiyon ay ang tila David-Goliath na labanan sa pagitan ni Vico Sotto at ng kasalukuyang mayor ng Pasig na si Bobby Eusebio sa pagka-mayor ng lungsod. Tinalo ni Sotto, isang bagito sa politika at anak ng tanyag na actor na si Vic Sotto, ang 27 taon na pamumuno ni Mayor Bobby Eusebio. Malaki rin ang nilamang ng kampo ni Sotto. Ano nga kaya ang ibig sabihin nito?
Noong nakaraang tatlong taon, hawak pareho ng Liberal Party ang lehislatibo at lokal na gobyerno. Ang dating mayor ng Davao at ngayo’y presidente ng bansa na si President Rodrigo Roa Duterte ay kinaharap ang tila institusyong hindi kailanman matitibag. Sa mismong salita ni Pangulong Duterte, tanging iilang congressman lamang, lokal na opisyal, at isang senador, ang dating Senate President na si Aquilino ‘Koko’ Pimentel na namumuno sa PDP-Laban, ang kanyang mga kaalyado noong panahon ng kanyang pagtakbo sa pagka-pangulo. Ngunit nang matapos ang eleksiyon, tinalo niya ang manok ng Liberal Party na si Mar Roxas ng humigit-kumulang pitong milyong boto.
Kung susuriin at pag-aaralang mabuti ang mga pangyayari, tila nakatakda na talaga itong mangyari dahil maraming Filipino ang naghahangad ng pagbabago. Ang kagustuhan ng mga tao na magkaroon ng pagbabago ang nag-udyok sa mga ito na bumoto noong nakaraang eleksiyon kaya ‘di hamak na napakataas din ng turnout ng botohan noong 2016. Ganoon talaga ang buhay. Ang mga nasa taas ay bumababa, ang mga sikat ay nalalaos, ang mga uso ay lumilipas. Marahil ang paghahanap o paghahangad ng pagbabago ay isang normal na katangian o kaugalian ng mga tao.
Maaaring bagito pa tayo pagdating sa usapin ng automated election ngunit gaano man tayo kabago rito, hindi pa rin maitatanggi ang katotohanang mas mahirap na dayain ang eleksiyon ngayon. Ito rin ang dahilan kung bakit mas mahirap patunayan ang mga alegasyon ukol sa pandaraya sa eleksiyon.
Mismong isa sa mga pambato sa pagka-senador ng Otso Derecho at isa ring electoral expert na si Atty. Romy Macalintal ay nagpahayag na ng pagtanggap sa kanilang pagkatalo nang unti-unti nang lumalabas ang resulta ng eleksiyon. Tinalo ng coalition ng administrasyon ang kanilang partido. Bilang isang maginoong tao, maluwag sa kalooban at buong pagpapakumbaba niyang tinanggap ang kanyang pagkatalo.
Hindi na bago ang kuwentong ito mapasa anumang uri ng industriya. Nariyan ang kuwento kung paanong nadaig ng Apple at Samsung ang dating nangunguna at namamayagpag sa tekonolohiya ng mga mobile phone na Nokia. Sino rin ba ang makalilimot sa kung paano napag-iwanan ang Kodak na nagresulta upang magpahayag sila ng pagkalugi noong 2012. Ang betamax ay unti-unting nabaon sa limot dahil sa pagsulpot ng mga VCD at DVD. Ang mga cassette tape at mga CD ay nawala na rin sa uso dahil maaari nang makakuha ng kopya ng mga kanta ngayon mula sa internet. Nariyan ang Spotify, Apple Music, at ultimo YouTube kung saan maaaring makinig ng mga kanta basta’t ikaw ay may internet. Napuwersa rin ang mga hotel na rebisahin ang presyo ng kanilang serbisyo dahil sa pag-usbong ng Airbnb.
Walang nakaaalam kung kailan mangyayari ang pagbabago kaya mainam na maging handa para sa mga ito. Dapat matutong sumunod sa agos ng buhay at huwag hayaang mahuli dahil kadalasan, ang mga nahuhuli at napag-iiwanan ay nahihirapan nang makabangon at makahabol. Sabi nga ni Charles Darwin, ito ay survival of the fittest. Tanging ang mga matitibay lamang ang siyang matitira.
Comments are closed.