(ni Dr. Lucky S. Carpio)
Napakalayo na ng narating nang sistema ng edukasyon sa Filipinas, mula sa pagharap sa mga napapanahong hinihingi at hamon na bunsod ng mga usaping panlipunan na kung saan nagkaroon ng paghuhulma sa labis na pagbatak sa sistema ng edukasyon.
Ang mga napapanahong hinihingi at kalakip na hamon sa edukasyon ay nakaugnay sa pamantayang internasyunal. Ito ay isang paggising sa kamalayan tungo sa pagbabagong kinakailangan para sa pagyabong ng edukasyon, tulad ng pang-akademikong kompetisyon, mga dekalibreng guro, masiglang pakikisangkot ng mga magulang sa pagkatuto ng mga mag-aaral at sa iba pang kawani ng institusyon, makabagong proseso sa estilo at estratehiya ng pagkatuto, aktwal na paggamit ng mga natapos na saliksik, tunguhing trabaho ng mga grumadweyt, mga samahan at kaagapay sa edukasyon, pagpapataas ng kalidad ng mga pasilidad at mga binhi o plano ng paaralan, mga sertipiko mula sa nasyunal at internasyunal na pagtitipon, mga pagkilala, iskolar at integrasyon sa modernong teknolohiya at media—ang mga ito ang pinaniniwalaan kong mga salik na nakaaapekto sa paghubog ng mga mag-aaral sa kanilang pagkatuto at pagkamit ng tagumpay sa kanilang pag-aaral.
Ang Kagawaran ng Edukasyon ang siyang tunay na yumakap at nagsulong sa K+12, ito ay malaking patunay na ang ginawang mandato kaakibat nang pamantayan sa edukasyon, ang naging salalayan nang maayos na pamamahala, kurikulum, mga mapagkukunan (tao at pisikal) kulturang pampaaralan at iba pang kasanayan sa komunidad na ginagalawan. Ito ay mahalagang elemento sa lalong pagyabong o pagkahubog ng isang institusyon. Kawili-wili ito, ngunit ang papel ng mga magulang ang siyang pinakamahalaga sa lahat, sa pagkatuto at paghubog ng mga mag-aaral, sila ang nakapagbibigay ng malaking impluwensiya sa holistikong pag-unlad ng kanilang pagkatao sa kabuuan, bilang pagtingin sa magandang oportunidad na kanilang makakamit sa panghabambuhay na pakikipagsapalaran.
Ang mga magulang ay mayroong kawing-kawing na gampanin sa pagkatuto ng mga mag-aaral dahil sila ang unang naging guro ng kanilang mga anak. Sila ay magsisilbing inspirasyon sa kanilang mga anak dahil sila ang makapagsasabi ng tunay na kakayahan at kailangan nang kanilang mga anak para maging responsableng indibiduwal.
Sa Aklat ni Wilson (2007), natuklasan nina Berkowitz at Bier (2005), sa isang makabuluhang pag-aaral na tumatalakay sa pakikisangkot ng mga magulang sa pagkahubog ng anak, bunsod o bunga nito ay “mapaayos ang pang-akademikong kakayahan, mabawasan ang pagliban sa klase, mapabuti ang ugali o karakter ng mag-aaral sa paaralan, malaking motibasyon sa mga gawaing pang-akademiko at bumaba ang bahagdan o bilang ng mga estudyanteng hindi na nakapagpapatuloy sa pag-aaral (drop-out).”
Dagdag pa ang katatapos lang na pag-aaral sa Sangay ng mga Paaralang Lungsod ng Maynila (2019) ukol sa pagbabawas ng bahagdan ng mga mag-aaral na hindi na nagpapatuloy sa pag-aaral, binigyang-diin na ang pakikisangkot ng mga magulang sa paaralan ay malaking salik na mabigyan ng sapat na inspirasyon para magkaroon ng masidhing motibasyon ang mag-aaral sa kaniyang pag-aaral at magkaroon ng pagmamahal sa pagkatuto bilang matibay na pundasyon.
Ang mga tungkulin sa pagpapakita ng proseso ng pagkatuto ay nararapat na mapagkasunduan kung ano ang kagustuhan at inaasam-asam ng mag-aaral sa paaralan. Ang kanilang kilos o gawi ang makapagbibigay ng tamang daan sa pagkamit ng mga pangarap nang kanilang anak. Kung uunawain natin ay hindi maipagkakaila na ang edukasyon ang pinakamahalagang bagay na mayroon sila bilang sandata o pamana.
Bago tanungin kung paano ang proseso ng ginagawang pag-eensayo ng mga basketbolista, ay bigyan muna sila ng kaunting papuri sa ipinapamalas nilang husay sa paglalaro. Ang mga magulang ay kinakailangan ding magpakita ng pagpapahalaga sa mga nakikitang pagpupursige ng mga anak, ito man ay maliit o malaki, nararapat na maipadama ang papuri at pagsuporta sa nakamit ng anak bilang parte ng patuloy na pag-unlad nito. Siguradong ito ay magiging positibong gawi sa pagkatuto ng mg aanak. Kaakibat nito ay ang pagtaas ng kompiyansa sa sarili sa akademikong paggawa sa pamamagitan ng payapa at masaganang pakikisangkot ng buong pamilya sa loob ng tahanan, at ang matatag na samahan at masayang pagtuturo ng mga magulang sa kanilang mga anak.
Bilang kasangga at kaagapay, kailangan nilang ipagpatuloy ang paggabay sa kanilang mga anak upang sa kanilang paglaki ay magkaroon sila ng kapuri-puring karunungan at pagpapahalaga.
Ito ay mag-kaugnay na pagbabahagi at pagtitiwala sa kalidad ng pagkatuto ng mga bata na nararapat para sa kanila.
Sa pakikisangkot, kailangan ng malusog na pakikitungo, at mayroon dapat bukas na kaisipan sa komunikasyon sa paaralan. Dapat din nilang malaman ang mga naitakdang iskedyul ng pagsusulit, mabigyan ng tuon ang bawat asignatura gaya ng mga proyekto, pagdalo sa mga kumperensiya ng mga magulang at guro, at bigyang konsiderasyon ang pagtingin sa iba pang obligasyon ng magulang sa paaralan.
Bukod sa pagiging abala sa iba’t ibang bagay sa paaralan, ay nararapat ding magbigay sila ng tapat na dedikasyon at pangako upang maipagpatuloy ang hangarin na ang edukasyon ay isang tuloy-tuloy na proseso at opurtunidad, maglaan ng oras para sa aspektong isprituwal, soyal, mga gawaing pangkapaligiran at libangan, magtakda ng iskedyul para sa mga karagdagang gawain sa tahanan, magkaroon din ng maliwanag at konkretong bagay na inaasahan, at hikayatin ang aktibong pakikisangkot o partisipasyon sa mga programa, okasyon at gawain sa loob ng paaralan, magpakita rin ng pagpapahalaga sa sarili at sa iba, maging postibo, suportahan ang desisyon ng mga anak at iba pang katatagang personal, makilahok sa aktibong interaksyon sa mga guro, at higit sa lahat sa mga bagay at plano na ipinapatupad ng paaralan para sa ikabubuti ng pagkatuto at pagkahubog ng mga mag-aaral.
Ang lahat ng ito ay mga gampanin ng mga magulang sa Ika-21 siglo ng pagkatuto at pagkahubog ng mga mag-aaral, sa kalidad ng edukasyon na gusto nilang makamit para sa kanilang mga anak. Ang pakikisangkot ng magulang ay patunay na napakahalaga bilang suporta sa kung ano ang nais makamit ng mga anak sa hinaharap, na kung saan ay magpapabago sa kanilang konsepto at pananaw sa edukasyon, maging sa kanilang sarili at landas na tatahakin sa kabuuan.
Comments are closed.