SA ating nakaraang pitak ay nabanggit natin ang ukol sa pag-ho-host ng 30th Southeast Asian Games.
May pagliliwanag akong natanggap kung ano ba talaga ang real score sa pagma-manage ng prestihiyosong pampalakasang kaganapang ito.
Sa impormasyong ating nakalap, ang siste pala ay mukhang hindi papipigil ang grupo ni Peping Cojuangco, na ngayon ay kasama pa ang dating Philippine Sports Commission (PSC) chairman na si Popoy Juico, hangga’t ‘di napapasakamay nila ang bilyon-bilyong pondo para sa 30th SEA Games na gaganapin sa ating bansa sa darating ng Nobyembre.
Pinapalabas umano ng kampo nila ngayon na binawi raw ng Pangulong Duterte ang suporta nito sa Philippine Southeast Asian Games Organizational Committee (PHISGOC) na si incoming Speaker Taguig-Pateros Congressman Alan Peter Cayetano ang chairman.
Pinagtahi-tahi nila ang sinabi diumano ng Pangulo tungkol sa PHISGOC at pinalabas na hindi ito sang-ayon sa ginagawa ng Committee para maging matagumpay ang pag-host ng Filipinas ng SEA Games ngayong taon.
Lumalabas na isa lang palang demolition job laban kay Cayetano at sa PHISGOC ang mga balitang hindi raw awtorisado ng Pangulo ang PHISGOC na mamahala sa pagsasaayos ng preparasyon para sa SEA Games dahil gobyerno raw ang dapat na humahawak ng trabahong ito.
Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin pala sumusuko si Cojuangco sa plano niyang bawiin ang leadership ng Philippine Olympic Committee (POC) at makontrol ang pondo ng SEA Games, at ngayon ay nakakuha pa siya ng kasangga sa katauhan ng president ng Philippine Track and Field Association (Patafa) na dating nasangkot sa Garchitorena land scam.
Ang hindi nila binabanggit ay ang Pangulong Duterte mismo ang nagpalabas ng Memorandum Circular No. 56 noong Enero 25 na inuutusan ang lahat ng government agencies, maging mga government-owned and controlled corporations, na ibigay ang buong suporta sa Philippine SEA Games Oganizational Committee Foundatin Inc. para sa “preparation, organization and holding of the 30th Southeast Asian Games.”
Nakalagay sa Memorandum Circular na pinirmahan ni Executive Secretary Salvador Medialdea by authority of the President, na ang PHISGOC Inc. ay isang “non-stock, non-profit organization” “created to oversee the preparations and execution of the Philippines’ hosting of the 30th SEA Games in 2019.”
Mukha namang malinaw ang nakasaad sa circular.
Ang isa pang tila nakalimutan umano nina Cojuangco ay inaprubahan ng Pangulong Duterte ang karagdagang pondo na P1 billion para sa SEA Games dahil sa pakiusap ni Cayetano na siyang nagpaliwanag sa harap ng Gabinete noong Mayo kung ano ang mga preparasyon para sa darating na palaro. Ito ay pandagdag sa badyet ng SEA Games matapos na P5 billion lang ang naaprubahan ng Kongreso sa P7.5 billion na hiningi ng PHISGOC para sa event na ito.
Kasama ni Cayetano sa pag-present ng updates sa Pangulo at Gabinete sina Bases Conversion Development Authority (BCDA) president and CEO Vince Dizon at Executive Board member and PHISGOC chief operating officer Ramon Suzara.
Napagkasunduan din sa Cabinet meeting na iyon na ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (DBM) ang tutulong sa PSC na makakalap ng supplies, sporting goods and equipment at service contractors para sa SEA Games para matiyak na bawat sentimo ay hindi masasayang at mapupunta lang sa bulsa ng kung sino-sino.
Tulad na lamang ng nangyari noong 2005 ng mag-host din noon ang Filipinas ng SEA Games. ‘Di ba’t nakasuhan si Cojuangco ng malversation? Ayon sa dating Philippine Sports Commission chairman Harry Angping, may P73.2 million daw ang hindi na-liquidate ni Peping na pondong ginamit sa SEA Games noong taong iyon. Kaninong bulsa kaya napunta ang pera?
Sa halip na manira at guluhin ang preparasyon sa darating na sports event, dapat ay manahimik na lang itong sina Cojuangco at Juico. Bigyang daan na ang tunay na pagbabago at malinis na pamamalakad sa larangan ng Philippine sports.
Comments are closed.