MGA GRADUATE PINAG-IINGAT SA PEKENG CASH AID

HUWAG magpaloko sa mga nag­lipanang pekeng post online na namimigay umano ang Department of Education ng cash aid sa lahat ng mga graduating student.

Ayon kay DepEd Undersecretary Michael Poa, ginagamit ng mga pekeng post ang logo ng ahensiya.
Aniya, walang ganyang programa ang DepEd kaya mag-ingat sa mga ganitong post na nais lamang makuha ang personal na impormasyon ng mga estudyante.

Dalawang pekeng advisories ang nag-aalok ng P8,000 cash aid sa graduating students mula elementarya hanggang kolehiyo, kung saan ang deadline ng submission ng requirements ay sa May 20 at 29.

Ibibigay umano ang cash assistance kapalit ng Philippine Statistics Authority-issued birth certificate, at good moral character certificate at report card mula sa eskuwelahan.

Kaya mahigpit na paalala ng DepEd, huwag maniwala sa mga alok na ito para hindi makompromiso ang kapakanan ng mga estudyante.

Sadyang mahirap ang buhay ngayon kaya kung ano-anong panloloko ang naiisip ng mga scammer para sa kanilang kapakinabangan.