MGA GUMAGAWA NG MALING MODULES PANAGUTIN

Rep Niña Taduran-2

BUKOD sa agarang pagbawi, mariing iginiit ng isang ranking lady House official ang pagpapanagot sa mga gumawa umano ng mali-maling learning modules sa ilalim ng ‘blended learning system’ na ipinatutupad ng Department of Education (DepEd).

Ayon kay House Assistant Majority Leader at ACT-CIS Partylist Rep. Niña Taduran, kailangang  bawiin at rebisahin po mabuti ng nasabing ahensiya ang lahat ng mga module na ipinamamahagi sa mga estudyante sa buong bansa.

Ito ay sa harap na rin ng patuloy na pagkalat partikular sa social media ng mga mali at kwestiyonableng laman ng mga module na ito na ikinabibigla at ikinagagalit ng marami.

Ibinigay na halimbawa ni Taduran ang post ni international artist Lea Salonga ng isang module na nagsasabing ang tattoo ay simbolo umano ng isang kriminal.

“Sa naturang module, mayroong multiple choice para sagutin ang katanungang: “ang tattoo ay simbolo ng _______.” At kabilang sa mga pagpipilian ay: A. pagiging kriminal, B. pagkaalipin, C. kagitingan at kagandahan, D. pagiging mababa ng katayuan sa lipunan. Sa post ni Salonga, ang tamang sagot batay sa answer key sa module ay: A. pagiging kriminal,” kuwento ng kongresista.

“Hindi ba ito nire-review ng central office ng Deped? Paano nakakalusot ang mga ganitong modules? Kung ganyan ang itinuturo natin sa ating mga mag-aaral, magtataka pa ba tayo kung bakit nahuhuli tayo sa ating mga kapitbahay na bansa at kung bakit backward na rin ang pag-uugali ng mga kabataan ngayon? Nawawala na ang moral values at nagiging judgmental,” giit pa ni Taduran.

Aniya, may isa pang post sa social media kaugnay naman sa module na naglalarawan sa mga magsasaka bilang mahihirap na tao.

“Walang respeto sa ating mga bayaning magsasaka ang pagsasalarawan sa kanila sa isang module na gula-gulanit at marumi ang damit ng buong pamilya ng magsasaka. Ilagay naman natin sa ayos ang mga itinuturo sa mga bata. Napakalaking challenge na nga ng pandemyang ito sa emosyonal at mental na kalagayan ng mga bata, dadagdagan pa ng maling kaalaman,” dismayadong sabi ni Taduran.

“I-review nila at panagutin ang mga gumawa ng maling modules. Walang espasyo sa Kagawaran ng Edukasyon ang mga mali ang itinuturo,” pagtatapos ng ACT-CIS Partylist congresswoman. ROMER R.  BUTUYAN

Comments are closed.