MGA GUMALING SA COVID, 24,502 NA

DOH covid

PUMALO  na sa  mahigit 76,000 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Nakapagtala ng 2,103 na dagdag na kaso ng sakit ang Department of Health (DOH)  hanggang kahapon, Biyernes, Hulyo 24  kaya nasa 76,444 ang total COVID-19 cases sa bansa.

Sa mahigit 2,103 na bagong kaso, 1,272 ay mula sa Metro Manila, 291 mula sa Cebu, 107 mula sa Laguna, 83 mula sa Rizal at 53 mula sa Cavite.

Sa  kabuuang bilang ay  50,063 ang aktibong kaso.

May 144 naman na  bagong recoveries, kaya umabot na sa 24,502 ang bilang ng mga nakakarekober sa bansa habang nadagdagan naman ng 15 ang bilang ng mga nasawi.

Nasa 1,879 na ang COVID related deaths sa bansa.

Samantala, nagbabala ang DOH na maaaring m­agresulta sa higit pang pagkalat ng COVID-19 ang ginagawa ng ilang tiwaling indibiduwal sa pamemeke sa resulta ng COVID-19 tests kasunod ng viral photos ng isang printing shop sa Quezon City ang gumagawa ng mga pekeng resulta ng COVID-19 tests at kaagad naman nang inaksiyunan ito ng Philippine National Police (PNP).

“Dapat maintindihan rin ng mga tao ‘yung pag-fake n’yan might cause the further transmission of diseases if we do that,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa isang online media forum.

Kasabay nito, pinaalalahanan ni Vergeire ang local government units (LGUs) at mga institusyon na nagsasagawa ng CO­VID-19 tests na maglaan ng mas maraming safeguard para matiyak ang tama at secure na pag-release ng mga resulta ng pagsusuri.

“Kailangang paigtingin ng ating mga local governments and other institutions ‘yung release ng results dahil ito ay importante at pine-fake nga eh,” ayon pa kay Vergeire.

Iminungkahi pa ni Vergeire na makatutulong ang mas maraming safety features gaya ng barcode para maiwasan ang insidente ng pamemeke.

Nabatid na natukoy ng PNP na ang mga dokumento na pinipeke ay ang medical certificates para sa rapid antibody tests.

Aniya, makikipag-usap na sila sa mga LGUspara maiwasan ang mga ganitong insidente. LEN AGUIRRE, ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.