MGA GURO BIBIGYAN NG ITIM NA SAPATOS

ULIRANG GURO 2019

MARIKINA – BILANG paggunita o pagkilala sa kontribusyon ng mga guro sa paghulma ng pag-iisip ng mga kabataan, ipinanukala ni Marikina Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro na bigyan ang mga guro ng itim na sapatos na gawa ng mga sikat na mananapatos sa shoe capital ng bansa.

Ayon kay Teodoro, na isang guro rin, alam niya ang hirap at dedikas­yon ng mga guro na siyang dahilan upang magkaroon ng mga propes­yonal tulad ng doktor, arkitekto, inhinyero, scientists, journalists, abogado, at iba pa. Ang alkalde ay nagturo ng Pilosopiya sa Unibersidad ng Pilipinas (UP).

Ayon sa datos ng Department of Education – Marikina, kasalukuyang may 2,846 teaching at non-teaching personnel sa lungsod, sa elementarya at hayskul.

Sa bilang na ito, 281 ang guro habang ang 165 ay manggagawa sa eskuwelahan ang mabibiyayaan ng sapatos.

Mula Nobyembre 12 hanggang 14, naglibot ang alkalde sa mga eskuwelahan sa Marikina upang ma­bigyan ng uniporme ang mga kinder student.

Kasabay nito ay kinuha rin niya ang size ng paa ng mga guro para sa kanilang libreng sapatos.

Upang makuha ang kanilang sapatos, kailangang kunin ng mga guro at non-teaching personnel ang kanilang tiket mula kay Teodoro na kailangan nilang ipakita sa City Hall.

Ayon kay Dr. Elisa Cerveza, Marikina Schools Division assistant superintendent, ito ang unang pagkakataon na nabigyan ng pamahalaan ng Marikina ng sapatos ang mga guro simula nang magturo siya sa lungsod. ELMA MORALES