MGA GURO, IPINASASAMA SA COVID-19 VACCINATION PROGRAM

Stella Luz Quimbo

HINILING ni Marikina City Rep. Stella Quimbo na isama na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga guro sa mga prayoridad sa COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.

Sa inihaing House Joint Resolution No. 35, ipinalilipat ni Quimbo ang mga guro sa A4 mula sa B1 priority group na listahan para sa COVID-19 vaccine.

Katuwiran ng kongresista, ang mga guro ay frontliners din ng mahalagang sektor ng edukasyon kaya dapat lamang na matiyak na magagampanan ng mga ito ang kanilang tungkulin sa pinakaligtas na paraan.

Patuloy aniya ang exposure ng mga guro sa labas para maghanap ng internet connection, mag-print ng learning modules at ipamahagi ito sa mga mag-aaral.

Dagdag pa ni Quimbo, ang pagsama sa mga guro sa prayoridad sa inoculation program ay mangangahulugan ng mas mabilis na pagbalik ng face-to-face classes.

Kung mabibigyan na kasi aniya ng immunity ang mga guro ay maaari nang buksan ang education sector at makakabalik din sa mas conducive at ligtas na learning environment ang mga kabataan lalo’t hindi naman sila kasama sa priority list ng vaccination program.

Sa ngayon, tanging mga healthcare workers ang top priority sa vaccination program dahil sa mas expose sila sa CO­VID-19. CONDE BATAC

One thought on “MGA GURO, IPINASASAMA SA COVID-19 VACCINATION PROGRAM”

Comments are closed.