COTABATO CITY-TINUTUKAN ng husto ng Commission on Elections (COMELEC) ang isinasagawang botohan sa lalawigang ito makaraang hindi na sumipot sa mga polling precinct ang may 500 guro na magsisilbing Board of Election Inspectors (BEI) dahil sa takot.
Nabatid na kinailangang magtalaga ng mga pulis sa ilang voting centers para magsilbing mga BEI’s kapalit ng mga gurong “no show” sa kanilang election duties.
Kinumpirma ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo na mahigit 500 pulis ang pumalit sa mga guro bilang board of election inspectors sa Cotabato City.
Nabatid na may mga pagsasanay na dinaanan ang ilang pulis para tumayong mga BEI sakaling magkaroon ng mga emergency o biglaang pangangailangan.
Sa ulat, magsisilbi bilang special electoral board sa 175 clustered precincts sa 33 polling centers sa Cotabato city ang mga pulis na natokahan.
Paliwanag ng tagapagsalita ng PNP na bahagi ito ng contingency plan ng PNP kung sakaling hindi magampanan ng mga guro ang kanilang tungkulin.
Lumitaw sa pagsisiyasat na umatras dahil sa pangamba sa kanilang kaligtasan ang mga guro na magsilbi bilang BEI matapos na harangin ng mga miyembro ng isang political party ang mga vote counting machines sa tapat ng Comelec Office sa Cotabato City.
Ayon sa opisyal, 26 sa 33 voting centers sa Cotabato City ang nagsimulang magbotohan bandang alas-10 ng umaga kahapon.
Kaugnay nito, sinabi ni acting COMELEC Spokesperson John Rex Laudiangco na awtomatikong idineploy ang 500 mga pulis para magsilbing special electoral boards.
Kinumpirma ni Laudiangco na hindi lang ang isyu ng pag-aalis sa mga gurong ito sa listahan ng mga miyembro ng electoral boards ang dahilan nang hindi pagsisilbi sa halalan kundi maging ang nararamdaman nilang banta sa kanilang seguridad kasunod ng nangyaring gulo sa lungsod kamakailan. VERLIN RUIZ