MGA GUSALI PINASUSURI  KUNG MATIBAY SA LINDOL

SEN-NANCY-BINAY

KAILANGAN  i-review ang compliance ng mga major infrastructure at iba pang  pampublikong estruktura sa Building Code, lalo na ang pagsuri kung makakayanan nito ang epekto ng mga lindol at iba pang sakuna.

Pahayag ito ni reelectionist Senator Nancy Binay na nagsabi rin na hindi masisisi ang taumbayan na mangamba dulot ng pinsala sa Clark Airport at isa pang grocery store sa Pampanga dahil sa lindol.

Hindi umano katanggap-tanggap ito dahil ayon sa batas ay  hanggang magnitude 8 hanggang 9 lamang ang  pinsalang kaya  ng mga gusali at infrastructure.

“Our airports and other infrastructure should be able to endure disasters. Kaila­ngan natin ng sagot kung bakit ganoon ang damage samantalang hindi major earthquake ang nangyari,” ani Binay.

Hindi rin dapat magda­lawang-isip ang pamahalaan na ipasara ang mga gusaling hindi compliant sa Building Code.

Hinimok din ng senadora na maging mahinahon ang mga mamamayan at huwag magpadala sa takot dahil nagpahayag na ang Philippine Institute for Volcanology and Seismology na hindi major earthquake ang lindol kahapon.

“May mga kumakalat na text messages at social media posts na kung babasahin mo ay talagang nakakatakot nga. Huwag po natin paniniwalaan agad ang mga ito—gamitin natin ang mga reliable sources para sa mga balita at impormasyon,” giit ni Binay.

Nakiusap din ang senadora sa Department of Information and Communications Technology at National Telecommunications Commission na magsagawa ng crackdown laban sa mga nagkakalat ng mapanakot na mensahe at fake news tungkol sa mga sakuna.

“Nagpahayag na ang Phivolcs na hindi major earthquake ang nangyari  nitong Lunes kaya hinihimok ko ang mga kababayan natin na maging mahinahon at huwag magpadala sa panic,” dagdag ni Binay.    VICKY CERVALES

Comments are closed.