MGA HAKBANG NG MARCOS ADMIN TUNGO SA KAUNLARAN

IBINIDA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang malalaking tagumpay ng kanyang administrasyon sa pag-akit ng mga pamumuhunan sa Pilipinas.

Sa taong 2023, umabot sa P1.26 trilyon ang halaga ng mga pamumuhunang ito, lampas sa target na PhP1.151 trilyon.

Ang mga proyektong ito ay inaasahang lilikha ng 49,030 trabaho para sa mga Pilipino, isang patunay sa lumalaking tiwala ng mga negosyante sa kakayahan ng banta na maging isang mainam na lugar para sa negosyo.

Ito ay isang sinag ng pag-asa para sa mga manggagawang Pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Ayon kay Pangulong Marcos, layunin ng kanyang administrasyon na gawing isang opsyon lamang ang pagtatrabaho sa ibang bansa, at hindi ang nag-iisang solusyon. Sa pamamagitan ng mga pamumuhunang ito, ang mga Pilipino ay magkakaroon ng higit na pagkakataon na magtrabaho at umasenso sa sariling bayan.

Sa kanyang pagbisita sa Filipino community sa Brunei Darussalam, hinikayat din ng Pangulo ang overseas Filipino workers (OFWs) na bumalik sa Pilipinas at mag-ambag sa ekonomiya ng bansa. Ang mga OFW, na itinuturing na mga bayani ng ating ekonomiya dahil sa kanilang remittances, ay inaasahang magpapalakas pa ng ekonomiya sa kanilang pagbabalik at pagtatayo ng mga negosyo sa sariling bayan.

Samantala, ipinamalas din ng administrasyong Marcos ang malasakit nito sa mga mamamayan sa malalayong lugar tulad ng Tawi-Tawi. Sa ilalim ng programang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair, dinala ng gobyerno ang 199 na serbisyo mula sa mahigit 40 ahensiya ng pamahalaan sa probinsya. Umabot sa ₱700 milyon ang naipamahaging tulong at cash assistance sa mahigit 135,000 benepisyaryo.

Ang serbisyong ito ay isang pagpapakita na walang sinumang Pilipino ang maiiwanan, gaano man kalayo ang kanilang lugar sa sentro ng gobyerno.

Ang mga hakbang na ito ay patunay ng dedikasyon ng pamahalaan sa pagsusulong ng inklusibong pag-unlad.

Ang pag-akit ng malalaking pamumuhunan ay hindi lamang nagpapalakas sa ekonomiya kundi nagbibigay rin ng pag-asa at oportunidad sa mga mamamayan. Ang pagkakaloob ng serbisyo sa mga malalayong lugar ay nagpapakita na ang Bagong Pilipinas ay para sa lahat, saanman sila naroroon.

Sa kabila ng mga hamon, ang mga adhikain ng administrasyong Marcos ay tila nagkakaroon ng konkretong bunga.

Ang pangarap na magkaroon ng isang maunlad at inklusibong bansa ay unti-unti nang nagiging realidad.

Nawa’y magpatuloy ang ganitong mga inisyatibo at lalong magbunga ng maganda para sa kinabukasan ng bawat Pilipino.