(Mga hakbang para mapagaan ang epekto ng oil price hikes tatalakayin) ECONOMIC MANAGERS MAGPUPULONG

petrolyo

NAKATAKDANG magpulong ang economic managers ng bansa ngayong araw upang talakayin ang kagyat na mga hakbang upang mapagaan ang epekto ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa gitna ng umiigting na tensiyon sa pagitan ng Ukraine at ng Russia.

Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Undersecretary Rosemarie Edillon, magpapalitan ng pagsusuri at pagtataya ang top officials ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Department of Finance

(DOF), at NEDA sa epekto ng oil price hikes sa inflation ngayong buwan.

“Pag-uusapan pa lang namin sa Lunes. Titingnan namin kung ano ang lalabas sa aming estimates at kung ano ang dapat gawin dito,” pahayag ni Edillon.

Aniya, babalangkas ang mga economic manager ng  short-, medium-, at long-term solutions.

Sa pagtaya ng mga taga-industriya, magkakaroon ng big-time oil price hike sa Martes, Marso 8.

Ito na ang ika-10 sunod na linggo na may pagtaas sa presyo ng petrolyo.

Ang presyo ng diesel ay inaasahang tataas ng  P5.40 hanggang P5.50 kada litro habang ang gasolina ay maaaring magmahal ng P3.40 hanggang P3.50 kada litro.

Samantala, ang presyo ng kerosene ay tinatayang tataas ng P4 hanggang P4.10 kada litro.