NAGLATAG ang mga economic manager ng administrasyong Duterte ng mga hakbang para matugunan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ayon kay Senadora Loren Legarda.
Ginawa ni Legarda, chairman ng Senate Committee on Finance, ang pahayag matapos ang briefing sa kanya nina Budget Secretary Benjamin Diokno, Finance Secretary Carlos Dominguez III, NEDA Secretary Ernesto Pernia at Bangko Sentral ng Pilipinas Deputy Governor Francisco Dakila, Jr.
Ayon kay Legarda, kabilang sa mga hakbang ng economic team ay ang agarang pagpapalabas sa National Food Authority (NFA) ng 4.6 milyong sako ng bigas.
Nanawagan din, aniya, ang mga economic manager na ipasa ang Rice Tariffication Bill ngayong buwan.
Bukod dito, sinabi ng senadora na bumuo na rin ang Department of Trade and Industry (DTI), NFA, Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at grupo ng mga magsasaka ng monitoring team para bantayan ang bigas mula sa mga pantalan patungo sa mga warehouse ng NFA hanggang makarating sa mga pamilihan.
Pupulungin naman ng DTI at Department of Agriculture (DA) ang mga poultry producer para sa posibilidad na makadirekta sila sa mga pamilihan para mapigil ang pagpapatong nang malaki sa presyo ng karne ng manok.
Dagdag ni Legarda, bubuksan ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang pag-angkat ng asukal sa direct users nito habang bibigyang prayoridad naman ng Bureau of Customs (BOC) ang pagpapalabas ng food items mula sa pantalan.