(Pagpapatuloy)
ISA-ISANG nagbukas ang mga bansa sa mga biyahero mula sa ibayong dagat kaya unti-unti ring nakabawi ang mga negosyo.
Ngunit, marami sa mga kinagigiliwan nating establisimiyento ay hindi nalagpasan ang epekto ng pandemya kaya nagsara. Marami pa rin ang patuloy na lumalaban upang manatiling bukas. Ito ay patunay ng katatagan ng tao at mga organisasyon, ng kanilang tiyaga at pagiging maparaan.
Dito naman sa atin, matagumpay na nairaos ang mapayapang eleksiyon. Hindi man katanggap-tanggap para sa marami ang resulta nito, mapayapa pa ring nagawa ng mga Pilipino ang kanilang responsibilidad na pumili ng mga lider na nais nilang mamuno sa bansa.
Nakita rin natin ang pagbabalik ng malalaking pampublikong aktibidad at mga pagtitipon kagaya ng mga sports tournament at konsiyerto. Patuloy pa rin ang pagpapatupad ng mga health protocols pero ngayon ay nararanasan na nating muli ang manood ng live concert ng mga lokal at banyagang performers, at sumuporta sa mga paborito nating sports teams at mga atleta. Marami rin sa ating mga hinahangaan ang naghatid ng karangalan sa bansa ngayong 2022 kagaya nina Hidilyn Diaz at Alex Eala.
Nagbalik na rin sa silid-aralan ang mga estudyante sa maraming lugar sa bansa. Ang iba ay nagsasagawa ng hybrid classes at unti-unti na ring bumabalik sa dati ang sektor na ito.
Hindi naman maiiwasan ang mabigat na daloy ng trapiko sa mga daan dahil sa mga kaganapang nabanggit. Ngunit sa kabila nito ay may nararanasan ding ginhawa ang mga motorista dala ng mga imprastraktura sa larangan ng transportasyon sa bansa. Nariyan ang Skyway at libreng bus ride sa EDSA (Carousel), P2P buses, PITX, at mas komportableng pampublikong sasakyan (modernized jeepneys) sa mga lansangan.
Nawa’y madagdagan pa ang magagandang bagay ngayong 2023 para sa ating bansa at sa buong mundo. Isang masaganang bagong taon sa lahat!