IPINAGMALAKI ni Pangulong Rodrigo Duterte na natupad niya ang karamihan sa kaniyang mga ipinangako sa mga Filipino bilang lider ng bansa.
Sa inagurasyon ng 143 social and tourism ports sa Zamboanga City Seaport Development Project, inihayag ng Pangulo na kahit patapos na ang kanyang termino, halos lahat naman ng ipinangako niya ay kanyang tinupad.
Kabilang sa tinukoy ni Pangulong Duterte ang peace and order at pagpuksa sa ilegal na droga na pangunahing tinutukan ng kanyang administrasyon at kahit noong tumatakbo sa pagka-pangulo noong 2016 elections.
Ayon sa Punong Ehekutibo, hindi siya makikiisa sa isinasagawang imbestigasyon ng International Criminal Court kaugnay sa war on drugs at kung lilitisin man ay mas nais niyang sa Pilipinas ito isagawa.
Kung makukulong naman ay handa siya basta’t sa Muntinlupa dahil parang hotel naman aniya ang New Bilibid Prison.
Maliban sa war on drugs, kaliwa’t kanang infrastructure projects sa ilalim ng Build, Build Build program ang inilarga rin ng Duterte adminstration simula noong 2016 kabilang dito ang LRT-2 East Extension Project, passenger terminal building ng Clark International Airport, Poro Point Freeport Zone Road sa La Union, at Junction Lanao-Pagadian-Zamboanga City Road, ang Kalayaan bridge at ang BGC-Ortigas Center Link Road Project na malaking tulong upang mabawasan ang travel time sa pagitan ng Bonifacio Global City at Pasig City at Mandaluyong City sa 12 minuto lamang.
Sa kanyang huling state of the nation address (SONA) ay ipinagmalaki ng Pangulong Duterte na pinasinayaan nito ang mga bagong highways, mga kalsada at skyways.