SAMA-SAMANG dumulog sa Public Attorneys Office (PAO) ang mga magulang ng mga batang namatay dulot ng bakuna laban sa dengue na Dengvaxia.
Sa isang press conference, nanawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte si Ginang Ruby Hedia, ina ng isa sa mga biktima, na tulungan silang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang mga anak.
Hiniling din nito na panagutin si Health Secretary Francisco Duque III dahil ipinagpatuloy nito ang pagbabakuna sa kabila ng laganap na ang masamang epekto ng Dengvaxia.
Humarap din si Public Attorney’s Office (PAO) Chief Atty. Persida Rueda Acosta at sinabi nito na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikipagtulungan ang DOH sa tanggapan ng PAO at patuloy pa ring itinatago ang masterlist ng kabuuang bilang ng namatay na bata dulot ng Dengvaxia vaccine.
Naglabas din ng hinanakit si Acosta bunsod ng umano’y kawalan ng aksiyon ng DOH na dapat sana ay mamahagi ng mga bitamina sa mga batang nabubuhay na naturukan ng Dengvaxia upang mapalakas ang resistensiya at mapagamot ang iba pang bata sa ospital subalit walang inilalabas na budget para rito.
Sinabi naman ni Dr. Erwin Erfe, Forensic Laboratory Chief ng PAO na nasa kabuuang 139 namatay na kabataan na ang kanilang hinahawakan kung saan lumabas sa pagsusuri na pare-parehong may nakita silang pagdurugo sa utak, puso at baga na may nakasusulasok na amoy at ganoon din ang paglaki ng mga internal organ ng mga biktima.
Balak din ng mga magulang na kasuhan si Duque ng mga kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act gayundin ang paglabag sa code of conduct and ethical standards for public officials and employees at plunder. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.