MGA KABABAIHAN MAY MALAKING PAPEL SA UNITEAM GOVERNMENT

BBM-SARAL UNITEAM

Sinisiguro ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos na una ang mga kababaihan at maririnig ang kanilang mga boses sa ilalim ng UniTeam matapos silang manalo sa darating na halalan sa Mayo 9.

Ito ang pangako ni Partido Federal ng Pilipinas standard-bearer Marcos kasabay na rin ng pagdidiwang ng National Women’s Month ngayong buwan ng Marso.

Ipinagdiriwang ang National Women’s Day tuwing Marso 8 at dineklarang Women’s Month naman ang buong Marso bilang pagbibigay pugay at pagkilala sa mga naging kontribusiyon ng mga kababaihan para sa bansa.

“Pangako ko po na kayo ay mabibigyan ng sapat at malinaw na boses sa ating pamahalaan. I have always been an advocate for women empowerment,” sabi ni Marcos.

“Kaya nga lagi kong sinasabi na ako ang pinakamaswerteng kandidato dahil ang ka-tandem ko ay si Inday Sara, na most qualified. Noong sinabi niya na gusto niyang maging Secretary of National Defense, hindi ako nag-atubili na sumang-ayon,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Marcos, naniniwala siya na kayang makipagkumpetensiya ng mga kababaihan sa kalalakihan at kaya nitong tapatan ang kanilang mga abilidad, at malampasan, gaya ng nakikita ng mga mamayan pagdating sa serbisyo publiko.

“Noong tumakbo akong bise presidente noong 2016, ang ka-tandem ko din babae, si Senator Miriam Defensor-Santiago, na sa paniniwala ko ay naging magaling din sanang presidente kung pinalad kami,” sabi niya.

“Inendorso ko din noon para senador si Susan ‘Toots’ Ople na kasama sa line-up namin noon. Talagang may kakayahan ang marami sa ating mga kababaihan,” pagbibigay-diin ni Marcos.

Pinuri din ni Marcos ang mga babae sa buhay niya, lalo na ang kanyang asawa na si Atty. Liza Araneta Marcos sa pagsuporta sa kanya sa lahat ng oras.

“Whoever I am now and whatever I have become, it is because of the influence, guidance, and support of all the great women in my life,” sabi niya.

Nanawagan din siya sa mga Pilipino na laging igalang at bigyan ng kahalagahan ang mga kababaihan.