MGA KABATAANG BULAKENYO, MAGSISILBI BILANG MGA LINGKOD BAYAN

BULACAN CAPITOL

LUNGSOD NG MALOLOS – Animnapu’t apat na boy/girl officials ang nanumpa sa tungkulin kay Vice Governor Daniel Fernando bilang counter-part ng mga opisyal at pinuno ng mga tanggapan ng Bulacan, gayundin sa ilang mga hudikatura at nasyunal na ahensiya sa ginanap na “Boy/Girl Officials 2018: Pagsasalin ng Tungkulin” kamakalawa.

Ang mga nasabing kabataang Bulakenyo na pinangungunahan nina Boy Governor Ian S. Barba mula sa Pulilan at Boy Vice Governor Ian I. Glorioso mula sa Santa Maria ay manunungkulan bilang mga lingkod bayan sa loob ng limang araw.

Ayon sa Provincial Youth, Sports, and Public Employment Service Office (PYSPESO), mararanasan ng mga nasabing boy/girl officials ang pagseserbisyo publiko at masasaksihan ang work etiquette ng mga empleyado ng pamahalaan.

Hinikayat naman ni Fernando ang boy/girl officials na sulitin ang oportunidad na ibinigay sa kanila sa pamamagitan ng pag-aaral kung paano magka-loob ng episyenteng serbisyo publiko at pagiging responsable at magandang huwaran sa kapuwa nila kabataan.

“Pulutin ninyo ang mga magagandang bagay na inyong matutuhan habang kayo ay nag­lilingkod sa opisina kung saan kayo itinalaga at hiling ko na kayo ay makabuo ng magandang relasyon at pagkakaibigan sa inyong kapuwa boy/girl officials,” ani Fernando.

Samantala, sinabi ni Boy Governor Barba na sang-ayon siya sa tinuran ni Jose Rizal na pambansang bayani hinggil sa pagiging pag-asa ng bayan ng mga kabataan.

“Isa ang programang ito upang makamit ang mithiin ng ating pambansang bayani at mithiin ng bawat isang Filipino na maging pag-asa ng bayan tayong mga kabataan,” ani Barba.

Mula Agosto 6-10, bukod  sa immersion sa kani-kanilang mga itinalagang departamento, lalahok din ang mga nasabing kabataan sa pagsasanay sa Right Click , Sangguniang Panlalawigan Session, banal na misa, Pananghalian kasama ang Punong Lalawigan at pagbisita sa mga piling tanggapan sa Kapitolyo.

Ang Linggo ng Kabataan ay alinsunod sa Presidential Proclamation No.56 at No.99 ng dating Pangulong Fidel V. Ramos noong 1992, na nakasaad din sa probisyon ng Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015. Sa halip na idaos ito tuwing Disyembre kada taon, isinagawa ito nang mas maaga alinsunod sa SK Reform Act, na nagsasabing ang Linggo ng Kabataan ay dapat ginaganap malapit sa petsa ng International Youth Day na Agosto 12.   A. BORLONGAN

Comments are closed.