Nakakabagot ang pang-araw-araw na buhay kaya nangangailangan tayo ng tahimik na lugar na masasabing retreat haven kung saan katatagpuan mo ng katahimikan at katiwasayan. At alin pa nga ba iyon, e di ang iyong bedroom.
Ito ang iyong personal sanctuary, lugar kung saan makatatakas ka sa maingay na mundo. Magdi-Disyembre na at nagsisimula nang lumamig ang hangin. Makakatipid sa aircon. Pero siguro, dapat din tayong maglagay ng extra warmth and coziness dito para mas okay matulog kahit maghapon.
Unahin natin ang kama. Sabi nga sa advertisement, here you spend one-third of your life. Actually, ako po, more than one-third dahil sa kama rin ako nagtatrabaho. Kama po ang symbol of rest and relaxation, kaya dapat, comfortable ito — not too soft and not too hard. Pero syempre, iba-iba ang tao. Gusto ko kasi, medyo matigas.
Gusto ko rin ng high-quality sheets, pero depende rin sa klima. Pag mainit, yung manipis lang. Pag umuulan o malamig ang panahon, makapal syempre. Hindi ako gumagamit ng comforters at duvets, pero yung iba, gusto nila yan. Ang hirap kayang labhan!
Pero gusto ko, maraming unan. Dalawa sa ulo, isang yayakapin at dalawang patungan ng paa. Yung malaking size, pero hindi naman kalakihan. At ayoko ng foam. Gusto ko, either kapok o feathers para malambot.
Once a week, pinapalitan ko ang beddings at kumot para laging amoy malinis. Isang dahilan kung bakit ayoko ng foam mattress, kasi, nadudurog. Masakit sa likod. Ganoon din ang unan.
Honestly, wala ako nung tinatawag nilang therapeutic blankets na para daw sa deep relaxation. E kasi naman, siguro, hindi ko kailangan. Pag nakatulog kasi ako, kahit magbagsak ka ng bomba, hindi ako magigising. Pero kung may insomnia kayo, gumamit kayo nito.
Ang magandang kama, hindi lamang madarap tulugan. Masarap ding managinip — hindi bangungutin, ha!
Huwag palang kalilimutan ang ilaw. Alam mo yung tinatawag na Soft Glow of Serenity? Nagbibigay ito ng mood and tone sa iyong silid, at kapayapaan ang dulot nito.
Kapag harsh ang overhead lights mo, masisira ang peaceful ambiance.At ang bedside lamps kung mahilig kang magbasa, piliin ang soft glow conducive to relaxation. Gumamit din ng LED strips para may magical touch sa headboard o sa salamin.
Kung medyo romantic ka, gumamit ng candle-like light. Naku, wag yung tunay na kandila at baka makasunog ka pa.
Nenet Villafania