MGA KANDIDATO, BAWAL MANGAMPANYA SA HUWEBES AT BIYERNES SANTO

IBINABALA ni Philippine National Police (PNP) chief General Dionardo Carlos sa lahat ng kandidato na bawal mangampanya sa Huwebes Santo at Biyernes Santo sa Abril 14 at 15.

Alinsunod ito sa Calendar of activities na ipinasa sa kanila ng Commission on Elections (comelec).

Istrikto aniyang babantayan ng mga pulis ang mga aktibidad sa mga pampublikong lugar sa mga nabanggit na mga araw, at ang mga pulitiko o kanilang mga supporter na mahuling lumabag ay ire-report sa Comelec.

Ang paalala ay ginawa ng PNP Chief kasabay sa paghahanda ng PNP para sa darating na Semana Santa.

Una nang binilinan ni Carlos ang lahat ng field commanders na siguraduhin ang police visibility at pagtatatag ng mga police assistance centers sa mga lugar na tradisyunal na dinudumog ng mga tao sa panahon ng Semana Santa, partikular sa mga transportation hub at sa mga major highways patungo sa mga lalawigan. Jeff Gallos