BAWAL na pumorma ang mga kandidato sa payout site ng Ayuda sa Kapos ang Kita program (AKAP) sa panahon ng pangangampanya.
Sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na ito ay isa sa mahihigpit na guidelines na kasalukuyan nitong binubuo kasama sina Labor Secretary Bienvenido Laguesma at Socioconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan.
Ang naturang guidelines ang susundin para sa istriktong implementasyon ng kontrobersyal na programa.
Sinabi ng kalihim na ang pagbabawal sa mga kandidato at mga pulitiko ay isa sa mga pangunahing ‘safety net’ para hindi mabahiran ng pulitika ang naturang programa, lalo na kung nagsimula na ang pangangampanya.
Nilinaw ng kalihim na bagaman tatanggapin pa rin nila ang referral ng mga kongresista, senador, alkalde, at iba pang opisyal, pero hindi pa rin tiyak kung aaprubahan o mapapabilang ang mga ire-refer na pangalan sa kabuuang listahan ng mga benepisaryo.
Sasalain pa rin ang mga pangalan ng mga ito.