MGA KANDIDATO PINAALALAHANAN NA HUWAG MAG-INGAY KAPAG DUMARAAN SA SIMBAHAN

HUMIHINGI ng respeto ang Diocese ng Tarlac sa mga nangangampanyang kandidato sa nasyunal at lokal na posisyon na naglilibot ngayon sa iba’t-ibang lugar sa bansa.

Sa apela ng Diocese ng Tarlac, hiniling nito sa mga kandidato na patayin ang kanilang loudspeakers sa pagpapatugtog ng campaign jingles kapag dumaraan ng simbahan at iba pang lugar dalanginan.

Mahalaga umanong mabigyan din ng respeto ang mga simbahan dahil may mga sakramento at panalanging idinaraos sa loob nito lalo na kung araw ng Linggo.

“Sa lahat po ng kandidato sa darating na halalan, maaari po sanang pakisabihan ang kanilang mga tagasuporta na patayin ang inyong mga campaign jingle sa pagdaan sa palibot ng ating simbahan,” ayon sa kanilang pabatid.

“Ito po ay bilang paggalang sa ating bahay-dalanginan, sa mga sakramentong ginaganap tulad ng Banal na Misa at sa mga mananampalatayang taimtim na nagdadasal sa loob nito,” dagdag nito.

Noong nakaraang linggo, umapela rin ang Diocese ng Malolos sa mga nangangampanya na hinaan ang kanilang loudspeakers kapag malapit na sa mga simbahan. Jeff Gallos