Kinakailangang resolbahin ng Tanggapan ng Ombudsman ang mga kasong isinampa laban sa mga chief executive ng mga local government unit na itinaon sa nalalapit na halalan.
Ang pahayag ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro, isa sa pangunahing convenors ng Mayors for Good Governance o M4GG ay kaugnay sa kinakaharap na kaso sa Tanggapan ni Ombudsman Samuel R. Martires.
Ang alkalde ay kinasuhan ng administratibo at kriminal ng isang Sofronio Dulay na nagpakilalang residente sa lungsod ng Marikina dahil sa umano ay misallocation ng ₱130-M na pondo ng Philippine Health Insurance Corporation funds.
Ayon kay Mayor Teodoro, ang naturang halaga ay bayad ng Philhealth sa mga inakong gastos ng Marikina LGU sa pampaospital ng mga residente nito na maituturing ng income ng pamahalaang lungsod.
Ang City Council din aniya ang nag-apruba para magamit ang pondo sa social services ng lungsod gaya ng pangangailangan ng mga mag-aaral, mga senior citizen at iba pa.
Ngunit dahil sa nasabing reklamo na walang batayan ay nababalam ang tuloy-tuloy sanang daloy ng serbisyo sa mga Marikeño.
Bukod kay Mayor Teodoro, may katulad ring kaso sa Ombudsman sina Pasig City Mayor Vico Sotto at Iloilo City Mayor Jerry Treñas.
Umaasa ang alkalde na agad lulutasin ni Ombudsman Martires ang kaso na sagabal sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko.
Elma Morales